3 Pinay entertainers na biktima ng human trafficking scheme nasagip

Ni NERIO AGUAS

Nasagip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) ang tatlong Pinay entertainers na biktima ng human trafficking patungong South Korea.

Ayon sa BI’s immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), ang nasabing mga Pinay ay nagkunwang magkakaibigan at mamamasyal sa Thailand kasama ang recruiter ng mga ito.

Subalit napansin ng mga BI officers ang mga magkasalungat na pahayag ng mga biktima at agad na dinala sa secondary inspection.

Sa panayam, inamin ng tatlong biktima na ang kanilang kasama ang kanilang recruiter, at sila ay patungo sa South Korea kung saan pinangakuan sila ng trabaho bilang mang-aawit.

Pinangakuan umano ang mga ito ng kanilang recruiter ng sahod na P40,000 kada buwan.

Inamin ng mga biktima na nais nilang legal na iproseso ang kanilang mga dokumento, ngunit iginiit ng kanilang recruiter na magpanggap sila bilang mga turista at itago ang kanilang huling bansang destinasyon.

Anila, plinano ng kanilang recruiter ang pag-escort ng mga ito patungo sa Korean at pababayaan na lamang ang mga itong makauwi pabalik ng bansa.

Binalaan ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga aspiring overseas workers na huwag maniwala sa mga pangako ng mga recruiter.

“There are numerous cases documented wherein victims are promised work as entertainers, but end up in prostitution. Aspiring workers should also protect themselves by ensuring that they only apply work through legal means,” ayon sa BI chief.

Ang tatlong biktima at kanilang recruiter ay dinala sa CIA inter-agency council against trafficking (IACAT) kung saan inaasahan na sasampahan ng kaso ang nasabing recruiter.

Leave a comment