
SUBUKAN N’YO!!!
“My loyalty to my party ends where my loyalty to my country begins.” Ang sabi ni Manuel L. Quezon noon.
Gusto ni Sen. Robin Padilla na ipabawi ang arrest warrant na ipinalabas ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) religious leader Apollo Quiboloy, makaraang isnabin nireng “Appointed Son of God” ang isinasagawang imbestigasyon ng nabanggit na komite dahil sa mga alegasyon na human trafficking, sexual abuse at karahasan.
Ang loyalty pala nireng si “Bad Boy” ay napunta kay Quiboloy. At hindi sa bansang Pilipinas! Susmaryosep!!
Lalong hindi sa mamayang Pilipino. O doon sa higit 25-milyong botante na nagluklok sa kanya sa Senado! Tsk, tsk, tsk!!
“Tell me who your friends are and I will tell you who you are.”
Abangan!!!
***
Sang-ayon ako sa sinabi ni yumaong Senator Merriam Defensor-Santiago, na tanging ang taxpayers lamang ang pahintulutang lumahok sa halalan para maiwasan ang tinatawag na “patronage politics” o sa madaling sabi ay ang sistemang “padrino” na siyang pagtangkilik sa kultura at pulitikang Pilipino.
Ayon kay Sen. Defensor-Santiago, kapag mabigyan lang ng konting pera ang “poorest of the poor” ay iboboto na nila ang kahit sinong ipaboto ng nagbigay ng pera kaya ang nagbabayad lang ng buwis ang dapat na pahintulutang makilahok sa eleksyon.
Maganda ang mungkahing ito para naman umahon tayo sa pagkalugmok sa hirap ng buhay gawa ng mga nakapandidiring mga opisyal na mahusay lamang sa katiwalian.
Sana ay masunod ang mungkahing ito ni Senator Merriam Defensor-Santiago.
Sundin!!!
***
Binabati ko sina Shielo Jane O. Castro at Franchella Nia Y. Simbul, at iba pang mag-aaral ng San Jose Elementary School Young Journalists, na itinanghal na first placer sa District Schools Press Conference 2024, kamakailan.
Ang San Jose Elementary School ay nasa Barangay San Jose, Macabebe, Pampanga.
Sila ay nagwagi ng first place sa English Category ng Collaborative Desktop Publishing contest na kinabibilangan ng layouting, news page, editorial page, feature page at sports page ng dyaryo..
Kabilang sa grupo ng mga nagwagi mula sa SJES sina Jiro O. Tolentino, Princess Angel M. Sunga, Jane Katherine C. Rosales, Rhyzen D. Cruz at Alvin Jerry S. Reyes,at ang kanilang ang teacher-coaches ay sina Melinda D. Montano at Arnie M. Isip.
Congratulations sa inyo mga
young journalists!
xxx
Ang Subukan N’yo! ay saludo sa natuklasan kong kasipagan ng mga opisyal ng Barangay Pinagbuklod, Phase 4, Bahayang Pag-Asa, Imus City, Cavite, sa pangaunguna ni Punong Barangay Ricardo S. Ocampo, dahil sa lingguhang clean up drive nito sa lugar at iba pang mga proyekto na naglalayong mapabuti ang lugar at para sa kaginhawaan ng mga residente rito..
Ang clean up drive ay pinangangasiwaan ng Committee on Environment na kinabibilangan ng mga kagawad na sina Dennis Cañaveral, Celsa Cardenas, Greg Getonzo, Angelito Santos, Ver Delena, Romy Flores at Thess Wahing.
Kasama rin nila sina Administrator Art Quiambao at mga bantay bayan members na sina Andrew Mañoz Alim at Obet Canela.
Sina PB Ricardo S. Ocampo at Kagawad Greg Getonzo, ay mga miyembro ng Knights of Columbus Council No. 9926, Sto. Niño de Molino Parish, Phase I, Bahayang Pag-Asa, Molino V, Bacoor City, Cavite.
Mabuhay kayong mga opisyal ng Barangary Pinagbuklod!!!
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com
