Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Mindoro namahagi ng P1.2B cash aid at gov’t program

Ni NOEL ABUEL

Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Mindoro ay namahagi ng kabuuang P1.2 bilyong halaga ng cash aid at iba pang programang pangkabuhayan ng gobyerno sa mga residente, ay buhay na patunay na ang serbisyo at programa ng gobyerno ay maipatutupad nang maayos sa mga nasa laylayan.

Ito ay ayon kay Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez sa pulong balitaan sa Kamara, na isa rin sa mahigit 20 mambabatas sa Luzon na dumalo sa BPSF sa Calapan, Mindoro noong Marso 9 hanggang 10.

“This is a clear indication that services are being felt and properly implemented at the grassroots level,” sabi ni Suarez, na nagsabing ang kabuuang tulong ay sa pamamagitan ng financial, livelihood at educational aid sa dalawang araw na Serbisyo Caravan.

“Ang sabi nga nu’ng ilang mga nabigyan ng tulong, meron pala, puwede pala. So, ito po iyong pagpapakita na nasa tamang pamamaraan ang paggastos at paggamit ang pondo ng pamahalaan na direktang pinakikinabangan ng atin mga kababayan,” dagdag nito.

Inihalimbawa pa nito ang kabuuang 50,000 residente ng Mindoro na nakinabang hindi lamang sa financial assistance program ng gobyerno, kundi pati na rin sa one-stop-shop ng mga serbisyo ng gobyerno tulad ng PhilHealth registration at aplikasyon para sa DFA passport, NBI clearance, police clearance, PSA birth certificate, Pag-IBIG membership at housing loan, SSS membership at GSIS UMID, at marami pang iba.

“Just to name a few, 28,000 individuals benefited from the DSWD program of AICS, 9,000 individuals benefited from the program of the DOLE, at naka-focus po ito duon sa mga naapektuhan nuong oil spill sa Mindoro,” ani Suarez.

“Mayroon din pong P145 million worth of equipment ang naitulong sa 52 farmer cooperatives para sa Department of Agriculture. Mayroon din pong pitong libo na nakinabang sa ISIP program, which is our scholarship assistance. Mayroon din mga negosyo or start-up businesses na nakatanggap ng kapital mula sa SIBOL,” ayon pa kay Suarez.

Binati nito si Gob. Bonz Dolor sa pagho-host ng BPSF sa Mindoro gayundin kay Rep. Arnan Panaligan, at sinabing inaabangan nito ang susunod na BPSF sa susunod na linggo sa Agusan del Norte sa Mindanao.

Sinabi naman ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, na kasama rin sa pulong balitaan, na pinatunayan din ng BPSF na ang “whole of government” approach na epektibo pagdating sa paglulunsad ng mga serbisyo ng gobyerno at sa pagtulong sa pag-abot sa grass root level sa iba’t ibang probinsya.

“We’re very happy that PBBM is continuing in trying to reach out to our constituents in the provinces. And the HOR under the leadership of Speaker Martin Romualdez is in full support of PBBM’s program in reaching out to the different communities in the provinces,” sabi ni Dalipe.

Leave a comment