Dating Senador Kiko Pangilinan ipinagtanggol ng LP

Ni KAREN SAN MIGUEL

Nanindigan ang Partido Liberal na nasa likod ito ni dating Senador Kiko Pangilinan matapos sampahan ng kasong cyberlibel ng isang Youtube personality at ilang Youtube channel owner.

“Naninindigan kami sa kalayaan ng bawat isa na magpahayag ng opinyon, pero naniniwala rin kami na may kaakibat itong responsibilidad, lalo na sa kasalukuyang klimang pampolitika,” ayon kay dating Senador Leila de Lima, tagapagsalita ng LP.

“Maraming content ang inilalabas ngayon hindi para paunlarin ang diskurso, kundi para siraan at abalahin ang oposisyon at magpakalat ng disimpormasyon. Inililihis nito ang atensiyon ng madla mula sa mahahalagang isyu sa ating lipunan,” dagdag nito.

Sinabi ni De Lima, na hinahangad ni Pangilinan na papanagutin ang mga indibidwal na ito para sa kanilang mga aksyon at magtakda ng isang pamarisan para sa responsableng online na diskurso.

Sa pahayag ni De Lima, ang Pilipinas ay nangangailangan ng isang malusog na espasyo para sa bukas na talakayan, ngunit hindi isa na nagpapahintulot sa pagkalat ng mga kasinungalingan at malisyosong pag-atake.

“We urge Filipinos to be discerning consumers of information online and to hold online personalities accountable for their content,” ayon pa dito.

Leave a comment