South Korean at Taiwanese arestado ng BI sa kasong money laundering, cybercrime

Ni NERIO AGUAS

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na wanted sa kanilang bansa sa kasong laundering at cybercrime.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dalawang dayuhan na sina Li Ming Hsiu, 44-anyos, Taiwanese at South Korean Joo Han Wong, 39-anyos na naaresto noong Marso 5 at Marso 6 sa magkahiwalay ng operasyon sa Makati at Parañaque City.

Sinabi ni Tansingco na ipatatapon sina Li at Joo sa labas ng bansa kung saan nila haharapin ang kanilang kaso.

Isasama rin ang mga ito sa BI blacklist para hindi na muling makapasok sa Pilipinas.

Ayon kay BI-fugitive search unit acting chief Rendel Ryan Sy, si Liu ay wanted sa Taiwan at may arrest warrant na inilabas ang Taichung district prosecutor’s office kaugnay ng money laundering act.

Inakusahan ng prosekusyon si Liu na mataas na miyembro ng isang sindikato na sangkot sa malakihang money laundering mula noong nakaraang taon nang magpatakbo ito ng maraming scamming center sa Taiwan at sa ibang bansa na nanloko sa mga biktima ng mahigit P78 bilyon sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na pamamaraan nito.

Samantala, si Joo ayon sa BI-Interpol unit ay subject ng Interpol red notice matapos maglabas ng warrant ang Seoul Dongbu district court para sa kanyang pag-aresto batay sa mga kaso na ito ay nasangkot sa mga cybercrime activities.

Nakipagsabwatan umano si Joo sa iba pang mga suspek sa pagbuo ng isang computer program na ginamit para i-hack at iligal na kumuha ng personal na impormasyon mula sa mahigit 66,500 personal messaging application accounts.

Ang data ng mga biktima ay kalaunan ay naibenta sa isang third party na ginamit sa voice phishing at iba pang illegal telecom activities sa maraming biktima.

Sinabi ni Tansingco na sina Liu at Joo ay kapwa undocumented alien dahil ang kanilang mga pasaporte ay binawi na ng kani-kanilang pamahalaan.

Leave a comment