
Ni NERIO AGUAS
Naglunsad ng all-out war ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga foreign fugitives na nagtatangkang pumasok at magtago sa Pilipinas.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na inatasan nito ang mga opisyal at ahente na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa mga wanted na kriminal na nagtatangkang gamitin ang Pilipinas bilang kanilang taguan.
Aniya, ang hakbang ay bilang suporta sa panawagan ng Department of Justice (DOJ) na tiyakin na ang mga border ay nababantayan laban sa mga indibidwal na nagbabanta sa pambansang seguridad.
Ayon pa kay Tansingco, inatasan nito ang fugitive search unit (FSU) na nakipag-ugnayan sa mga foreign governments upang alamin ang impormasyon sa mga foreign criminals na nasa bansa.
Ibinahagi ni Tansingco na ang sistema ng BI sa mga port of entry at exit ay konektado rin sa interpol, na nagdaragdag pa ng isang layer ng proteksyon laban sa mga illegal na dayuhan na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas.
Noong 2023, nakaaresto ang BI ng kabuuang 128 foreign fugitives na sangkot sa iba’t ibang kaso sa kanilangga bansa.
Karamihan sa mga dayuhan na nadakip ay mga South Koreans at Chinese nationals, na iniulat na sangkot sa mga kaso kabilang ang fraud at iba pang ilegal na gawain.
Iniulat ng BI ang pag-aresto sa 1,085 na dayuhan noong 2023, kabilang ang ilang mga high-profile na kaso tulad ng 4 na Japanese fugitives na sangkot sa marahas na krimen sa Tokyo, isang Sudanese na lalaki na sangkot sa organ trafficking, at isang Mongolian high official wanted sa katiwalian.
Ibinahagi rin ni Tansingco na mahigit 3,300 aliens ang hindi pinapasok sa bansa matapos matuklasan na kuwestiyonable ang kanilang dokumentado, blacklisted, o may kahina-hinalang layunin na makapasok sa bansa gayundin ang iba pang paglabag sa Philippine Immigration Act.
Samantala, pinakahuling naaresto ng BI ang isang Taiwanese national na wanted sa bansa nito.
Kinilala ang nasabing dayuhan na si Wu Jao alias Wu Chun Hsien, 52-anyos, na nadakip noong Marso 12 sa Benavides St. sa Sta. Cruz, Manila.
Si Wu ay iniulat na may warrant of arrest na inilabas ng Taipei District Prosecutors Office sa Violation of Controlling Guns, Ammunitions & Knives Act of Taiwan.
