
Ni NERIO AGUAS
Nagsagawa ng pag-uusap ang Department of Labor and Employment (DOLE) at isang transport group na Busina, na kumakatawan sa mga grupo ng kababaihan mula sa iba’t ibang kooperatiba at korporasyon na sumusuporta sa Public Transport Modernization Program ng pamahalaan.
Nakasentro ang pagpupulong sa mga kasalukuyang usapin na may kaugnayan sa paggawa at trabaho sa sektor ng transportasyon, kabilang ang mga kaso sa paggawa na kinasasangkutan ng mga tsuper at operator; pagkuwenta at pagbabayad ng sahod, benepisyo, at overtime pay; empleyo sa pamamagitan ng agency; at ang pagbalangkas ng mga patakaran ng kani-kanilang mga kumpanya, bukod sa iba pa.
Kumatawan sa DOLE sina Workers’ Welfare and Protection Cluster Undersecretary Benjo Santos M. Benavidez, Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay, at Bureau of Working Conditions Director Alvin B. Curada.
Inialok ng mga opsiyal ng DOLE ng libreng pagsasanay ang mga transport cooperative para mabigyan ng tamang impormasyon at patnubay sa pagbabalangkas ng polisiya ng kanilang kumpanya at mga patakaran sa paggawa at trabaho.
Tinalakay rin sa pulong ang pagbubuo ng kanilang sektor ng tripartite council, regularization at probationary employment, shifting schedule ng mga empleyado na nasasakop ng batas-paggawa, at ang mga exemption sa pagbabayad ng overtime pay.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan mula sa Department of Transportation Cooperatives.
