Sumapi na kayo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fairs — solons

Ni NOEL ABUEL

Kinumbinse ng liderato ng Kamara ang mga mambabatas na sumapi sa lahat ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fairs (BPSF) sa mga lalawigan upang direktang maobserbahan ang aktuwal na pagpapatupad ng iba’t ibang programa ng mga ahensya ng pamahalaan, at masuri kung ang mga pondong inilalaan ng Kongreso ay sapat at nagagamit nang wasto.

Ang panawagan ay isinagawa nina House Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez at Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe habang sinamahan ng 20 miyembro ng Kamara si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa idinaos na caravan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Oriental Mindoro, na isinagawa sa Oriental Mindoro National High School Gymnasium noong Sabado at Linggo.

“Natutuwa po kami na marami na naman pong mambabatas ang sumama kay Speaker Martin Romualdez, similar po doon sa pagbisita po namin sa Sultan Kudarat kung saan mahigit 50 kinatawan ang sumama. Dito po (sa Oriental Mindoro) ay hindi bababa sa 20 kinatawan mula po sa Regions 4A and 4B ang sumama sa ating Speaker,” ayon kay Suarez.

Iniulat din ni Suarez ang tagumpay na paglulunsad ng BPSF sa Oriental Mindoro, at kung papaano lubos na pinakinabangan ng mga lokal na komunidad ang mga ayuda at serbisyo na ibinabahagi ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Doon po natin nasaksihan muli ang isang matagumpay na BPSF. Nakita po natin iyong tuwa at ligaya ng mahigit 50,000 na mga mamamayan mula sa probinsya na iyon na natulungan ng mga iba’t ibang ahensya ng ating pamahalaan. Kung hindi po ako nagkakamali around P1.2 billion worth of assistance, programs, and projects were implemented by various agencies and departments of government. Just to name a few, 28,000 individuals benefited from the DSWD program of AICS, 9,000 individuals benefited from the program of the DOLE, at naka-focus po ito doon sa mga naapektuhan nuong oil spill sa Mindoro,” pahayag pa ni Suarez.

Sinabi rin nito na ang P145 milyong halaga ng kagamitan ay ibinahagi upang matulungan ang 52 kooperatiba ng mga magsasaka para sa Department of Agriculture (DA), habang 7,000 katao naman ang nakinabang sa Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) para sa mga kabataan, isang inisyatiba ng Office of the Speaker sa pakikipag-ugnayan sa administrasyong Marcos.

“Mayroon din mga negosyo or start-up businesses na nakatanggap ng kapital mula sa SIBOL (Start-up Incentives, Business Opportunity and Livelihood). At meron akong isang programang natunghayan na sana po maging modelo sa maraming mga probinsya. Ito po iyong FARM (Farmers Assistance for Recovery and Modernization) program kung saan nakapagbigay ang pamahalaan ng tulong sa ating mga magsasaka. At ginarantiya ‘yung mga magsasaka na iyong palay na maaani nila ay bibilhin ng NFA. And I think that is such a liberating moment for our farmers dahil masisiguro na mabibili sa tamang presyo at hindi sa presyong babaratin sila ng kapitalista,” ayon pa kay Suarez.

Sinabi naman ni Dalipe na nakikita ng mga mambabatas na sumasapi sa mga serbisyong caravan sa mga lalawigan at iba’t ibang komunidad, ang aktuwal na pagpapatupad ng mga programa, at maaari ang mga itong makagawa ng pagpapaunlad na pakikinabangan ng sambayanang Pilipino sa susunod na taon, na ang susunod na badyet ay ang 2025 budget.

“We are even encouraging all other members of the House to join all these BPSF, kasi nandoon na po iyong, hindi lang isa, dalawa o tatlong departamento ang nanduon, marami pong national agencies and it is a very good chance for the House members to observe directly. Ito bang nilagay natin sa budget na programa for example DSWD, DOLE, DOH, DA o anumang departamento ha, ano ba iyong epekto niya?,” aniya.

“So masayang-masaya po ako, iyong liderato ng Kamara under Speaker Martin Romualdez is there together with the Executive Department, with the President, and we, as the members of the House, we see first-hand kung anu-ano iyong mga departamento, anu-ano iyong mga ahensiya na puwede, anu-ano iyong mga programa ng mga ahensiya at departamento na puwede natin bigyan pa ng karagdagang pondo at anu-ano ang puwedeng i-fine tune at ayusin. Most especially that we will be going into such process, the preparation of the budget in the next few months,” paliwanag pa ni Dalipe.

Leave a comment