
Ni NERIO AGUAS
Nagbukas ng bagong opisina ang Bureau of Immigration (BI) sa isla ng Siargao bunsod ng dumaraming turista na dumarating sa nasabing lugar.
Ang BI office ay matatagpuan sa Purok 1 Poblacion sa General Luna, na magbibigay ng maginhawang serbisyo para sa dumaraming bilang ng mga turistang bumibisita sa isla.
“The establishment of this office in Siargao is part of our commitment to ensuring that foreign nationals have easy access to immigration services, especially in popular tourist destinations like Siargao,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Ang Siargao, na kilalang “Surfing Capital of the Philippines”, ay madalas na pinupuntahan ng mga turista mula sa buong mundo dahil sa mga nakamamanghang beach at world-class na surfing spot.
Ang bagong tanggapan ng BI ay magpapadali sa visa extensions at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga dayuhang bumibisita sa isla.
At dahil dito, makalatulong ang BI sa Department of Tourism (DOT) na isulong ang turismo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahusay at accessible na serbisyo sa BI sa mga turista at expatriates sa mga pangunahing tourist destinations.
Sinabi pa ni Tansingco na ang mga foreign nationals na bibisita sa Siargao ay maaaring gawin ang transaksyon sa bagong tayong BI offices.
