Central at Katimugang Luzon uulanin — PAGASA

Ni MJ SULLIVAN

Asahan na ang pag-ulan sa silangang bahagi ng Central at Katimugang Luzon dahil sa epekto ng pagsasalubong ng mainit at malamig na hangin o shear line.

Ayon sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration(PAGASA), ang lalawigan ng Isabela, Quirino, Aurora, Quezon at Camarines Norte ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pagkulog at pag-ulan.

Bunsod nito ay posibleng magdulot ng flash flood o landslides sa nasabing mga lugar dulot ng inaasahang malalakas ng pag-ulan.

Samantala, ang Cordillera Administrative Region at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay magiging maulap din na may kasamang mahinang pag-ulan dahil naman sa epekto ng northeast monsoon.

Habang ang Ilocos Region at nalalabing bahagi ng Central Luzon ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kasamang mahinang pag-ulan dahil din sa epekto ng northeast monsoon.

At ang Metro Manila kasama ang iba pang bahagi ng bansa ay magkakaroon din ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.

Babala pa ng PAGASA, ang baybayin ng Luzon, Visayas at ng northern at eastern sections ng Mindanao na magiging maalon at may malakas na hangin.

Leave a comment