Quiboloy binigyan ng due process — solon

Rep. Gus Tambunting

Ni NOEL ABUEL

Nanindigan si Parañaque City Rep. Gus Tambunting na dumaan sa tamang proseso at sapat na panahon si Kingdom of Jesus Christ (KoJC) religious leader Apollo Quiboloy bago inilabas ang contempt order laban dito at tuluyang ipaaresto.

Ito ang sinabi ni Tambunting, ang chairman ng House Committee on Legislative Franchises, bilang tugon sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na dapat binigyan ng patas na pagdinig si Quiboloy.

Ginawa ng bise presidente ang apela sa isang statement broadcast ng Sonshine Media Network International (SMNI), na kinilalang kay Quiboloy.

“Well, I think she was mentioning, dapat sa korte. Ginagalang po natin ang opinion niya. Dito naman po sa Kongreso, ang pinag-uusapan po ay iyong prangkisa ng SMNI at iyon po ay ibinigay ng Kongreso. Kung ito po ay binigay ng Kongreso, Kongreso rin po lang ang puwedeng bumawi po nito,” paliwanag ni Tambunting.

“At iyon naman pong proseso, as far as due process is concerned, dito po sa hearing namin, six months has been given, five months of hearing, six hearings were conducted. And palagay ko, mas maraming sinabi ang kampo ni SMNI kesa po sa mga congressmen. Talaga po lahat po ng kanilang paliwanag ay ating pinakinggan at pinagbigyan po natin lahat ng katanungan nila,” dagdag pa nito.

Ang legislative franchise committee ay makailang beses na inimbitahan si Quiboloy kaugnay ng paglabag ng SMNI sa broadcasting privilege na ibinigay ng Kongreso sa loob ng 25 taon noong panahon ng Duterte administration kung saan inisnab ito ng religious leader.

Sa pagtatapos ng ikaanim na pagdinig nito noong Martes, pinatawan ng komite si Quiboloy ng contempt dahil sa maraming beses na hindi pagpansin sa mga imbitasyon nito.

Inendorso rin ng panel ang pag-apruba sa plenaryo ng panukalang batas na nagpapawalang-bisa sa pribilehiyo sa pagsasahimpapawid ng SMNI dahil sa umano’y paglabag sa hindi bababa sa apat na kondisyon sa prangkisa nito, kabilang ang mandato na maging patas at tumpak sa pagsasahimpapawid nito, pagpapakalat ng hindi bababa sa 30 porsiyento ng mga bahagi ng stock nito sa publiko, pagkuha ng pahintulot ng Kongreso para sa pagbabago ng pagmamay-ari nito, at ang reportorial requirement.

Ipinagpaliban ng komite ang pagpapatupad ng arrest order nito sa loob ng ilang araw sa apela ng abogado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio, na nakiusap sa panel na bigyan ito ng ilang oras upang makausap ang kanyang kliyente.

“The mere fact na nagbigay pa rin ng palugit ang committee ng tatlong araw on the request of Atty. Topacio just shows you kung gaano hong kaluwag ang committee sa pagbibigay po ng lahat po ng request nila. Maski na po sa limang buwan ni minsan ay hindi dumating si Pastor Quiboloy – inimbitahan po siya apat na beses – ay pinagbigyan pa rin na on the special request of Atty. Topacio na bigyan po hanggang Biyernes,” sabi ni Tambunting.

Leave a comment