
SUBUKAN N’YO
“The media’s the most powerful entity on earth. They have the power to make the innocent guilty and to make the guilty innocent.”
Kaya sinabi ni Malcolm X ito ay dahil sa kaya raw ng media na impluwensyahan ang pag-iisip, ugali, ideya at saloobin ng masa.
Para sa aking, ngayon ay ang “trolls” na ang most powerful entity dito sa mundo. Lalo na dito sa bansa! Tsk, tsk, tsk!!
Kasi madali nilang paniwalain sa kanilang kasinungalingan at kabulastugan ang mga ignorante. At mga utu-uto. Hehehe!
Abangan!!!
***
Dahil sa ginagawa ni Sen. Robin Padilla, na ipawalang-bisa ang warrant of arrest ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) religious leader Apollo Quiboloy, alamin nina Sen. Risa Hontiveros, ang chairman, kung uubrang kasuhan siya ng paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o ang Obstruction of Justice.
Kasuhan!!!
***
Dapat kaskasin ang maskara nitong opisyal na sinasabing padrino raw sa Philippine National Police (PNP) ng isa sa mga nahatulan sa pagpatay kay Jerhode “Jemboy” Baltazar, noong Agosto 2, 2023, sa Navotas City. Si Jemboy ay napatay ng mga miyembro ng Navotas City police
Alam n’yo, mga padrino ko, ang isa pala sa mga pulis na nakapatay kay Jemboy ay sentensyado na sa iba pang kasong kriminal at dapat ay isinuka na siya ng PNP. Sinibak na dapat ito sa PNP dahil sa kanyang mga katarantaduhan!
Pero dahil sa kanyang hindoropot na padrino ay hindi siya masibak-sibak sa PNP sa kabila ng kanyang mga kasong kinasasangkutan bago pa n’ya mapatay si Jemboy.
Kung ginawa lang ng PNP na linisan ang kanilang hanay ng mga scalawag ay hindi sana nangyari ang pagpatay kay Jemboy. Buhay pa sana ang noon ay 17-anyos na kaawa-awang biktima nitong hinayupak na pulis! Tsk, tsk, tsk!!
Kaya dapat ay kaskasin ang maskara ng padrino nireng scalawag ng PNP para pag-untugin ang kanilang mga ulo. At magsama ilang ibalibag sa kulungan!
Kaskasin!!!
***
Nakahanda na ang mga miyembro ng Knights of Columbus Council No. 9926, Sto. Niño de Molino Parish, Phase I, Bahayang Pag-Asa, Molino V, Bacoor City, Cavite, para sa Walk for Life sa Marso 16 (Sabado) ng madaling-araw sa Imus City, Cavite.
Ito ang inihayag ni Worthy Grand Knight Reynaldo “Reny” Clarianes, na nagsabi ring ang Walk for Life, na binibigyan ng halaga ang buhay ng tao, ay nasa puso at diwa ng lahat ng miyembro ng Knights of Columbus sa buong mundo lalo na sa Council No. 9926.
Sinabi naman ni Worthy Faithful Navigator Wenceslao N. Antaran, Jr., na nakahanda na rin ang Honor Guards ng Bishop Felix Perez Assembly ACN 2357, sa pamumuno ni Past Grand Knight Carlito Mape, na tutulong para matiyak ang kapayapaan at kaayusan ng kaganapan.
Ang Walk for Life ay pagpapakita ng paniniwala na dapat ipagtanggol ang buhay mula sa paglilihi hanggang sa natural na kamatayan nito.
***
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com
