
Ni NOEL ABUEL
Pinatitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na nababantayan ang karapatan ng mga pasyente at napapatupad ang Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Health at Committees on Tourism and on Finance inusisa ni Go ang MAIP program ng DOH na nakatanggap ng dagdag na pondo ngayong taon.
Nabatid na ang MAIP program ay government initiative na nagbibigay ng suportang pinansyal upang mabayaran ang mga gastusing medikal para sa mahihirap na pasyente.
Ito ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng tulong pinansyal na medikal na madaling makuha ng mga pasyente sa pamamagitan ng Malasakit Centers.
Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Go sa mga sumbong ng mga pasyente, lalo na ang mga mahihirap, na tinalikuran o nagpasyang hindi humingi ng pangangalaga sa ospital dahil sa takot na magkaroon ng mabigat na bayarin sa medisina.
“In line with the DOH Secretary Ted Herbosa’s memo na wala pong matanggihan ng mga pasyente, lalung-lalo na po ‘yung mga mahirap…alam n’yo, minsan, ‘yung ibang mga kababayan natin, umuuwi na lang, takot magpa-hospital, ‘yung iba po ay nalalagutan na lang po ng hininga dahil sa takot po sa babayaran sa hospital,” pahayag ng senador.
Ang tinutukoy ni Go ay ang DOH Department Memorandum 2023-0235 na inilabas ni Herbosa, na nag-uutos na lahat ng pasyente sa Malasakit Centers ay makatanggap ng mga kinakailangang serbisyo.
“Ang pakiusap at paalala ko sa inyo, Secretary Ted and USec. (Molly) Chiong na wala pong matatanggihan na mga pasyente. May memo naman po si Secretary Ted na wala pong uuwing luhaan, wala pong uuwing bigo dahil sa kahirapan,” pakiusap ni Go.
“Para po ‘yan sa mga mahirap nating kababayan… (sana) walang malalagutan ng hininga dahil sa kahirapan,” dagdag nito.
Tinukoy rin ni Go ang nakababahalang isyu ng mga ospital na nauubusan ng pondo ang MAIP, na binanggit ang mga partikular na kaso upang bigyang-diin ang kalubhaan ng sitwasyon.
“Marami po ako narinig na mga hospital, for example, sa Basilan… sa Zamboanga… na nagreklamo po sila dahil naubos na po ang kanilang pondo,” pagbubunyag ng senador.
Binigyan-diin ni Go ang kabalintunaan ng mga ospital na nahaharap sa kakulangan ng pondo sa kabila ng pag-apruba ng Kongreso ng bilyun-bilyon sa pagpopondo ng MAIP.
“Since ubos na po ang kanilang pondo, sa pagkaalam ko po ang naaprubahan po ng Kongreso ay billions po ng MAIP. So, wala pong rason na matatanggihan po itong mga pasyenteng at malagutan ng hininga dahil sa kahirapan po,” giit ni Go.
Umapela si Go sa mga opisyal ng kalusugan na tugunan ang mga naiulat na kakulangan ng pondo sa mga ospital tulad ng Basilan General Hospital, Margosatubig Regional Hospital sa Zamboanga del Sur, at Zamboanga City Medical Center.
“Pwede ninyo bang mapa-check itong mga hospital na nagreklamo na wala na po silang pantulong sa mga Medical Assistance for Indigent Patients?” tanong nito.
Bilang tugon sa mga katanungan at alalahanin ni Go, kinumpirma ni Herbosa ang makabuluhang pagtaas sa mga pondo ng MAIP, na noong 2024 ay dumoble nang higit sa P50 bilyon.
“Yes, Mr. Chair. So, announce natin na ang ating legislators, dinagdagan ang ating MAIP funds… ang na-request namin during the NEP (National Expenditure Program) ay nasa P22 billion. Ngayon po ay lampas P50 billion. So, marami pa tayo. More than P50 billion,” ani Herbosa.
