Itinayong resort sa Chocolate Hills iimbestigahan ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Iniutos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na agad imbestigahan ang pagtatayo at pagpapatakbo ng isang resort sa Chocolate Hills sa Bohol na idineklara ng gobyerno bilang isang protected area at nasa listahan ng mga World Heritage sites ng UNESCO.

Sinabi ni House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo, na ang direktiba ni Romualdez ay binanggit sa isanf pulong balitaan sa Kamara.

“We are set to file on Monday a moto propio inquiry regarding that matter. Hindi rin po nagustuhan ng House leadership po iyon. I’ve been communicating with the Speaker…napag-uusapan po at nasabi ko na po sa kanya, magpa-file po tayo ng inquiry regarding this matter,” sabi ni Tulfo.

“Hindi po nagustuhan po ng liderato iyon, kasi number one, iyon po ay dineklarang National Heritage. Kahit ano pa hong palusot, daldal po nang daldal sa social media, iyong kanilang manager duon na si Ms. Sablay…o Sablan, eh sinasabi niya hindi naman daw nila ginalaw iyong Chocolate Hills,” dagdag nito.

“The mere fact na nanduon ka, tiningan ko nga hindi nga ho nila ginalaw, nasa gitna sila ng dalawang hill, sinira ho nila iyong view. Actually, para makita mo ng maganda iyong hill na iyan, may aakyatin kang parang tore para makita mo ngayon. Panget na hong tingnan,” ayon sa kongresista.

Inihalintulad ni Tulfo ang Captain’s Peak Resort sa isang kulugo sa mukha ng tao.

“Pag nasa aerial shots ka, ang pangit din, para siyang kulugo, di ba. Tumubong kulugo sa mukha mo, okay. So ang pangit ho eh kahit ano hong palusot,” ayon pa kay Tulfo.

Aniya, gustong malaman ni Romualdez kung sino ang may pananagutan sa pagpayag na magbukas at mag-operate ang resort sa Chocolate Hills.

“Ang hindi ko ho maintindihan kaya gusto nating paimbestigahan, at gusto rin pong paimbestigahan ni Speaker, sino ang nagbigay ng permit, building permit. Kasi hindi ka naman pupuwedeng mag-construct ng kung anumang bagay dito sa Pilipinas kung wala ka pong permit. Dapat po nanggagaling po iyan sa local government unit,” ayon pa kay Tulfo.

Aniya, alam umano ng LGU at iba pang kinauukulang opisyal ang pagtatayo at operasyon ng nasabing resort.

“Ano hong ginawa ng LGU? Kaya hindi ho nila puwedeng hindi alam…ang dami pong sisisihin diyan eh, pati iyong provincial government, akalain mo nag-party pa pala sila kung hindi ba naman mga luku-luko,” giit nito.

Ipinunto pa ni Tulfo na marami ring kailangang ipaliwanag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang kanyang mga field personnel.

“Pag mga ganu’n po na mga ika nga heritage site, tourist attraction, iyan po ay may mga park rangers, kung tawagin ng DENR, sila po iyong nagbabantay diyan. Ang tanong ko, nasaan iyong park ranger ng DENR?” pag-uusisa pa nito.

Leave a comment