Laguna at Batangas governors pinahaharap sa Kamara

Rep. Erwin Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Hiniling ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo sa Kongreso na imbitahan ang mga gobernador ng Laguna at Batangas na sina Ramil Hernandez at Hermilando Mandanas para pasagutin sa patuloy na paglaganap ng mga pasugalan sa kanilang mga lugar.

Ito ay matapos mabunyag na nangunguna sa may pinakamaraming pasugalan ang Laguna at Batangas sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon)

“I would like to file a motion to invite the governor of Laguna here and probably the governor of Batangas, kung bakit hindi po masawata ang pasugalan kasi ang kanilang pong salita ay batas,” ani Tulfo sa pagdinig ng Kamara ukol sa paglaganap ng mga pasugalan sa Calabarzon.

“Pag sinabi ni governor, gusto ko tumigil ang sugalan sa teritoryo ko, titigil po ‘yan. Maniwala po kayo sa akin. Titigil po ‘yan pag gusto ni governor o ginusto ni mayor,” sabi nito.

Una nang inamin ng PNP regional director ng Region 4A (CALABARZON) na si BGen. Paul Kennet Lucas sa pagtatanong ni Tulfo na masasawata lamang ang mga pasugalan kung may “political will” ang mga lokal na lider tulad ng mayor at governor.

“Pag ginusto po ng governor na wala pong sugal sa kanyang probinsya, pwede po, di ba? O ng mayor, pag sinabi niyang, Colonel, ayoko ng sugal dito. Or chief of police, captain. Ayoko ng sugal dito sa teritoryo ko. Nangyayari naman po, based on your experience, you’ve been a general now. Tama po ba?” tanong ni Tulfo kay Lucas.

Inamin din ng opisyal na ang mga pulis ay agad na susunod kung sakaling ipag-utos ng mga gobernador at mayor na patigilin ang mga pasugalan sa kanilang lugar.

Agad namang sumang-ayon ang iba pang mambabatas sa kahilingan ni Tulfo na imbitahan ang dalawang gobernador kaya agad ipinag-utos ni House Committee on Public Order and Safety chair na si Sta. Rosa, Laguna Rep. Daniel Fernandez na imbitahan ang mga ito.

“Ang dapat natin kausapin, si Governor, si Mayor. Unahin na po natin ‘yung governor sa Laguna. Gusto ko pong makausap sa susunod na hearing. Bakit hindi niya napapatigil ang sugalan sa kanyang lugar?” ayon pa kay Tulfo.

Samantala, ipina-subpoena naman ni Abang Lingkod party list Rep. Joseph Stephen Paduano sina Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles at PCSO Board of Director Jennifer Guevara dahil sa patuloy nitong hindi pagdalo sa pagdinig nang walang sapat na dahilan.

Leave a comment