
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang pagbotohan ng House Committee on Labor and Employment sa susunod na linggo ang tatlong panukala na naglalayon ng legislated minimum wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, bago tapusin ng komite ang kanilang ikalawang pagdinig sa tatlong panukala na kinabibilangan ng House Bills 514 at 7871, na maggagawad ng P150 across-the-board increase sa sweldo ng mga kawani at mga manggagawa sa pribadong sektor, na iniakda nina Rep. Ramon Jolo Revilla III at Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza.
Gayundin ang HB 7568, na nagmamandato ng P750 across-the-board increase sa sweldo ng mga kawani at mga manggagawa sa pribadong sector, upang makamit ang nakakabuhay na kita.
“Due to time constraints, the committee will hold one last hearing where we will invite all committee members to vote on these three measures. We just need more time to deliberate and study all the positions and arguments presented by all our stakeholders in this hearing,” ayon kay Nograles.
Nagpahayag ng tiwala si Mendoza na ang pasya ng komite ay ipapahayag sa ika-1 ng Mayo, Araw ng Paggawa.
“Panahon na para tapusin ang pag aantay na ito, ipasa na ng kapulungang ito ang legislated, makabuluhan na dagdag sahod na nakatanaw sa pag-abot ng nakabubuhay na sahod,” aniya.
Binanggit nito na malinaw na naipaliwanag ng mga grupo ng mga manggagawa ang kanilang mga hinaing sa pagdinig, batay sa kanilang panawagan para sa isang legislated minimum wage increase.
Ipinaliwanag ni Economist Emmanuel Leyco kung papaano ang increase in wages ay hindi magreresulta sa pagsasara ng mga negosyo, at nagpakita ng mga datos mula sa Annual Survey on Philippine Business and Industry.
“Nakalagay po sa Philippines po nakalista po 114 percent kinita. So kasama po doon ang kasalukuyang sweldo, ngayon po ‘yung 114 percent saan po ba napupunta doon? Napupunta po ‘yun sa retained earnings. So doon po siguro pwedeng mag-usap ano ba ang pwedeng ibahagi sa labor cost. Hindi po totoo na maraming nagsasarado dahil lahat po dito mula sa micro, small medium, large (enterprises). Ang kanila pong revenue per expense ratio ranges from 110 percent to 116 percent,” ayon kay Leyco.
Ipinahayag din ni National Wages and Productivity Commission Executive Director Maria Criselda Sy na simula pa nang maging batas ang RA 6727, o Wage Rationalization Act, noong 1989, ikinatuwiran ng Pilipinas ang determinasyon ng minimum wage mula sa isang single rate tungo sa regionalized rate, at kinonsidera ang kaunlaran sa iba’t ibang rehiyson ng bansa.
Idinagdag nito na ang highest minimum daily wage rates sa mga bansa sa ASEAN (Marso 2024) sa US dollars ay matatagpuan sa Kalakhang Maynila.
Samantala, kumontra naman sa wage hike ang Employers Confederation of the Philippines.
Sinabi ni ECOP Vice President Anton Sayo na ang panukalang legislated wage hike ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto na makahikayat sa mga rehiyon para sa industriya ng paggawa at negosyo.
