
Ni NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipa-deport palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na sinasabing lider ng notorious syndicate sa Japan.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, inihahanda na si Tomohiro Koyama, 49-anyos, para pabalikin sa bansa nito.
Nabatid na kasalukuyang nasa kustodiya ng BI si Tomohiro sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Naging headline ng mga balita kamakailan si Tomohiro matapos itong i-tag sa mga artikulo bilang “number three” man ng gangsters syndicate na “JP Dragon”, na iniulat na nakagawa ng sunud-sunod na marahas na krimen sa Japan.
Tinukoy ss mga artikulo ng balita si Tomohiro at ang 55-anyos na si Takayuki Kagoshima ay pawang miyembro ng sindikato ng “JP Dragon”.
Si Takayuki ay inaresto ng fugitive search unit (FSU) ng BI noong Marso 4 sa Pasay City.
Sinabi ni Tansingco na si Tomohiro ay unang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Enero 2024 dahil sa kasong estafa na paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code in Relation to Presidential Decree 1689.
Kinasuhan din ito ng paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pag-aresto sa kanya, napaulat na mayroon itong ilang baril at bala, pati na rin ng hinihinalang droga.
Sa record ng BI, dumating si Tomohiro sa bansa noong 2019, at inilagay sa blacklist noong 2020 matapos makatanggap ng impormasyon ang ahensya mula sa mga awtoridad ng Japan tungkol sa kanyang mga krimen.
Ipinaalam ng gobyerno ng Japan sa BI na si Tomohiro ay pinaghahanap sa Japan para sa kasong pagnanakaw at hinahangad na agad itong i-deport.
Siya ay na-blacklist bilang isang undesirable alien at isang malawak na paghahanap ang isinagawa na humantong sa kanyang pag-aresto sa pamamagitan ng CIDG, at sa huli ay turnover sa BI noong Pebrero.
