2 Pinoy na biktima ng human trafficking naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang hinihinalang biktima ng human trafficking na pinigil sa pag-alis ng bansa.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng BI’s immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na ang dalawang pasahero, parehong lalaki, ay naharang noong Marso 14 sa NAIA Terminal 3 bago sila makasakay sa Cebu Pacific flight papuntang Thailand.

Inamin umano ng mga biktima na pagdating sa Bangkok ay susunduin at i-escort ang mga ito sa Laos kung saan sila kinuha para magtrabaho bilang mga call center agent para sa isang kumpanyang pinaniniwalaang sangkot sa crypto investment scam.

“Thanks to the vigilance of our officers at the airport, we again saved two of our countrymen from these syndicates that operate scams which harmed and ruined the lives of many people who were virtually treated as slaves by their employers,” sabi ni Tansingco.

Ayon sa I-PROBES, una nang nagkunwang mga turista ang dalawang Pinoy na magbabakasyon ng limang araw sa Thailand at may lokal trabaho sa isang telecommunications company ngunit sa huli ay lumabas na hindi ito totoo.

Inamin din ng mga ito na pareho silang walang trabaho at lahat ng mga dokumento na kanilang ipinakita ay peke dahil ang mga ito ay ibinigay lamang sa kanila ng kanilang Chinese recruiter.

Idinagdag ng mga biktima na ang kanilang mga dokumento ay ipinadala lamang sa kanila sa pamamagitan ng courier sa hotel na kanilang tinuluyan bago ang kanilang paglipad.

Pinangakuan umano ang mga ito ng buwanang suweldo na US$400 habang sumasailalim sa on-the-job training at US$1,000 kapag naging regular na manggagawa.

Kasalukuyang nasa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang dalawang Pinoy para mabigyan ng tulong kasabay ng gagawing imbestigasyon.

Leave a comment