
Ni NOEL ABUEL
Ipinabatid ng mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na mas gugustuhin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na makipagtulungan sa Senado sa mga panukalang economic Charter amendments upang magkaroon ng bisa ang mga ito at makinabang sa bansa sa lalong madaling panahon.
“It is important for us to work with the Senate on this, so that we can limit the possible constitutional challenge on RBH 6 and RBH 7 will face,” sabi ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David Suarez.
Tinukoy nito ang dalawang resolusyon na nakabinbin sa Kamara at Senado na nagpapatuloy sa mga panukala sa pag-amiyenda sa ekonomiya.
“Tayo po dito sa Kongreso, we’re set to approve this (RBH 7) on third and final reading on Wednesday and I hope that our counterparts in the Senate will find enough time in their hands to approve the same,” ani Suarez.
Dahil ang mga mambabatas ay nasa break sa darating na Semana Santa ngayong katapusan ng linggo, sinabi ni Suarez na inaasahan nito ang pagkakataon kung saan ang parehong mga pinuno ng Kamara at mga pinuno ng Senado ay maaaring magpulong at sa wakas ay magpasya sa tamang paraan ng aksyon patungkol sa parehong RBH.
“Kasi iyong Senate kay RBH 6, tayo naman may RBH 7, tayo patapos na so kinaikailangan lang po talaga natin malaman sa Senate kung kailan at kung anong buwan maipapasa nila ‘yung version nila. Ang mahalaga naman po talaga dito is mapagbotohan ito ng ating mga mamamayan. Ang dulo parati nito will be a plebiscite. So, it is important for us to allow the Filipino people to decide on the proposed amendments,” paliwanag pa nito.
Sinabi pa ng mambabatas na ang pinakamabilis na ruta para sa panukala sa pag-amiyenda sa ekonomiya ay maaprubahan ito at maihatid sa Comelec at magkaroon ng plebisito sa pinakamaagang panahon.
Hinikayat ni Suarez ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso, partikular ang mga senador, na pag-isipan sa panahon ng Semana Santa kung ano ang gagawin sa economic constitutional amendment proposals.
“Siguro maganda na maximize natin ‘yung Holy Week break. We can do some self-reflection, we can pray for enlightenment. We can hope for discernment so that we can meet. Kasi talagang importanteng-importante na po ito para sa ating bansa,” aniya.
“At nakikita ninyo naman iyung excitement ng business community pagdating sa restrictions na pinag-uusapan na tatanggalin po natin sa ating Constitution. So ito pong pagkakataon na makakapagpahinga sa palagay ko maganda ‘yung pagkakataon na makapag-usap din ‘yung Senado at ang Kongreso para malaman na talaga ‘yung susunod na hakbang patungkol sa lifting ng restriction sa ating Constitution,” dagdag ni Suarez.
