
Ni NOEL ABUEL
Naniniwala si Senador Risa Hontiveros na may mga maiimluwensyang tao na nagbibigay ng proteksyon kay Kingdom of Jesus Christ religious leader Pastor Apollo Quiboloy kung kaya’t patuloy itong nagmamatigas na humarap sa Senado para harapin ang mga akusasyon laban dito.
Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Hontiveros na posibleng hindi lang ngayon kung hindi sa mga nakaraang taon pa ginagawa ni Quiboloy ang pagmamatigas.
“Mukhang meron talagang nagdadagdag sa lakas ng loob niya, mga nagprotekta sa kanya, baka hindi lang ngayon, kundi sa nakaraang mga taon at may mga anggulong ganoon na lumalabas sa aming mga pagdinig. ‘Yung testimonya ni Alyas Rene, na gardener doon sa mountain ni Quiboloy na meron daw siyang nasaksihang dating presidente, ngayoy VP, na dumalaw daw doon, na nu’ng sa pagdalo na iyon, meron daw ibinabang mga sako at nu’ng ito’y in-unload ay ang mga laman na iba’t ibang klaseng mga baril,” pahayag pa ng senador.
“Tapos ‘yung kamakailang pag-appoint niya, ni Quiboloy, kay Duterte, bilang administrator ng kanyang mga properties dito sa Pilipinas. So mukhang hindi siya nag-iisa kung gusto natin i-cite lang ‘yung mga makapangyarihan o mayaman na nakapaligid sa kanya,” dagdag nito.
Sa kabila nito, umaasa si Hontiveros na sa huling pagdinig ng Senate Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ay haharap na si Quiboloy.
“Well, so far, meron kaming at least isa pang pagdinig na harinawa du’n na makaharap at sumagot si Quiboloy. May at least isa kaming bagong resource person mula sa national government agencies, ang Anti-Money Laundering Council, dahil du’n sa testimonya ni Ms. Reynita, na binigay ‘yung buong pangalan niya at pinakita ‘yung kanyang mukha, na ‘yung mga savings accounts nilang mga OFWs sa Singapore ay ginagamit para magpadala ang ibang mga tao ng mas malalaking halaga kay Quiboloy sa Davao,” aniya.
“Kung dadako pa ito sa ibang mga makapangyarihan na nasa likod niya, nagpoprotekta sa kanya, depende po sa magiging mga testimonya sa susunod na pagdinig,” sabi ng senador.
Nang tanungin si Hontiveros kung papayag itong tumestigo si Quiboloy sa pamamagitan ng virtual ay hindi ito papayagan ng komite.
“As I mentioned earlier, may precedent na hindi pagbigyan ‘yan. At saka, higit sa lahat, sabihin muna niya na dadalo siya bago siya humingi ng anumang concession or hiling sa komite. At kung ‘yung magiging hiling na iyon ay mag-testify virtually, ‘yun na nga po. May precedent na hindi mabuting pagbigyan ‘yun, dahil hindi mabuti para sa kapangyarihan ng Senado,” paliwanag ni Hontiveros.
