
Ni NOEL ABUEL
Nagpaalala ang ilang kongresista kay Vice President Sara Duterte na maging maingat sa pagdalo sa mga “prayer rally” na nagiging anyo ng protesta laban sa gobyerno.
Binigyang-diin ni House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez ang kahalagahan ng paggamit ng discretion sa mga ganitong sitwasyon.
Aniya, dapat mag-ingat ang Bise Presidente at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno sa pagpili kung aling mga kaganapan ang dadaluhan upang maiwasan ang pagpapadala ng magkasalungat na senyales.
“I think we need to be a little bit more prudent and proper in deciding what events to attend pagdating sa ganoong usapin,” ayon kay Suarez sa pulong balitaan sa Kamara.
Nabatid na umani ng batikos ang Bise Presidente sa pagdalo nito sa isang “prayer rally” sa Maynila noong nakaraang linggo bilang suporta sa kanyang kaibigan, na nagpakilalang “Appointed Son of God” na si Apollo Quiboloy, na nahaharap sa mga alegasyon ng human trafficking at sexual abuse.
Gayunpaman, ang kaganapan ay nagkaroon ng isang anti-government rally na nailalarawan sa pamamagitan ng invectives at mga banta na nakadirekta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa nasabing panahong, si Duterte, na nagsisilbi ring Education Secretary, ay gumaganap bilang caretaker President habang si Marcos ay nasa sa ibang bansa.
Binigyan-diin ni Suarez ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa administrasyong Marcos, na nagbabala laban sa pagpapadala ng magkasalungat na senyales.
“I think siguro sa mga susunod na mga pagkakataon malaman din natin iyong mga dinadaluhan natin kasi siyempre kita ninyo naman iyong tenor nu’ng prayer rally na iyon,” giit ni Suarez.
“I think very strong iyong anti-administration sentiment at isinisigaw ng mga indibidwal na nandoon. Of course, being part of the cabinet of President Bongbong Marcos, it sends the wrong signal especially for me kasi ipinaglaban natin kaya sila parehas nanalo dahil sa unity,” dagdag pa nito.
Sa panig naman ni I-RIDER party list Rep. Rodge Gutierrez mahalaga aniya na ang pangangailangan para sa maingat na pagsasaalang-alang sa mensaheng ipinararating sa pamamagitan ng pagdalo sa mga naturang rally.
“Of course, I cannot speak for anyone else but myself on this matter. We respect everyone’s right to freedom of expression,” ani Gutierrez.
“I suppose the attendance of certain personalities at the rally could always be construed as a personal exercise of that right. But given the positions that we are in, we have to consider of course the intricacies that are involved,” ayon pa dito.
Nagpahayag ang kongresista ng pag-asa na sa susunod na pagkakataon, isaalang-alang ng mga opisyal ng gobyerno ang mensahe na maaaring isulong ng kanilang pagdalo, lalo na sa mga pahayag na ginawa sa rally na iyon.
“When one attends rally and statements are made, though you might not personally agree to it, your mere attendance might be misconstrued by other people,” sabi pa ng mambabatas.
