
Ni NERIO AGUAS
Naharang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apat na foreign sex offenders na pawang nahatulan sa kanilang bansa at nagtangkang pumasok sa bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang apat na pasahero ay kinabibilangan ng isang Australian, dalawang Amerikano, at isang German na hindi pinapasok sa NAIA Terminal 1 at 3 sa magkahiwalay na okasyon.
Kinilala ang Australian na si Romeo Monje, 89-anyos, na dumating sa bansa noong Marso 12 sakay ng Philippine Airlines flight mula Sydney.
Si Monje ay naiulat na nahatulan ng 8 counts na indecent assault sa Australia kung saan ang biktima nito ay isang 16-anyos na dalagita.
Inalerto ang BI tungkol sa nalalapit na pagdating ni Monje ng Interpol national central bureau sa Maynila na nakatanggap ng tip mula sa Australian counterpart nito hinggil sa kanyang paglalakbay sa Pilipinas.
Samantala ang American nationals na sina John Kenneth Hayes, 48-anyos at Sherman Elliot Douglas, 64-anyos, ay naharang noong Marso 14 at Marso 15 sakay ng Eva Air flight mula Taipei.
Sinabi ng border control and intelligence unit (BCIU) na hinatulan ng korte sa Florida si Hayes noong 1998 dahil sa paggawa ng malaswang pag-atake at sexual battery laban sa isang 16 taong gulang na biktima.
Sa kabilang banda, sa US public records, si Douglas ay nahatulan noong 2020 para sa third degree sexual exploitation sa isang menor de edad.
Habang ang German national na si Ralf Bultschnieder ay nagtangkang pumasok sa bansa noong Marso 18 matapos dumating sakay ng Turkish Airlines flight mula Istanbul.
Si Bultschnieder ay pinigilan ng immigration officers matapos makatanggap ng intelligence information kaugnay ng posibleng pagkakasangkot sa exploitation activities and acts.
Ang apat na dayuhan ay inilagay sa immigration blacklist ng mga dayuhan na patuloy na pinagbabawalan na makapasok sa bansa.
