Maritime Zones Bill, lusot na sa Bicam review

Senador Francis Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Nakalusot na sa bicameral review ang bersyon ng Senado at Kamara sa panukalang batas na Maritime Zones Bill.

Ang panukalang ito ay nagtatakda at nagtatatag ng mga territorial waters at continental shelf ng Pilipinas.

Ayon kay Senador Francis “Tol” Tolentino, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas, tinanggap sa Kamara ang bersyon ng Senado na may amendment sa reciprocity provision.

Sinabi ng senador na ang bersyon ng bicameral ng panukalang batas ay pinapaikot na sa mga miyembro ng HOR para sa kanilang lagda, habang ang chairman ng House Panel ay nakapaglagda na sa bicameral report.

Aniya dapat aprubahan ng parehong Kapulungan ng Kongreso ang bicameral report na ito.

“Then, the bill will be enrolled and transmitted to the President for signature. It becomes a law once signed by the President or upon the lapse of 30 days from transmittal (date of receipt by the office of the President) to the President,” ani Tolentino.

Sinabi nito na ang Maritime Zones Bill ay sumusunod sa Saligang Batas at sa pandaigdigang batas, partikular na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Sa panukalang batas na pumasa sa bicameral review, sinabi ni Tolentino na ang mga maritime zone ng arkipelago ng Pilipinas ay kinabibilangan ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, Exclusive Economic Zone (EEZ), at ang continental shelf.

Dagdag nito, ang lahat ng iba pang teritoryo kung saan mayroong soberanya o hurisdiksyon ang Pilipinas ay may kani-kanilang mga maritime zone.

“Once the bill becomes the Maritime Zones Act after the President signed it into law, the Philippines shall exercise all other maritime rights and jurisdictions per UNCLOS, the 2016 South China Sea arbitral award, international law, and other pertinent laws and regulations of the Philippines,” ani Tolentino.

Ipinahayag ng senador na kasama sa mga probisyon ng panukalang batas na pumasa sa bicameral review ang mga penal sanctions na magiging batayan ng kaparusahan na ipapatupad ng Pilipinas sa mga lalabag sa Maritime Zones Act.

Nakasaad sa Section 16 ng inaprubahang bersyon ng bicameral na anumang paglabag sa mga karapatan ng Pilipinas na nakasaad sa batas na ito ay dapat bigyang kaparusahan sa pamamagitan ng mga nauugnay na umiiral na batas at regulasyon.

Anumang paglabag ay saklaw ng isang administratibong multa na hindi bababa sa anim na daang libong dolyar (US$600,000.00) ngunit hindi hihigit sa isang milyong dolyar (US$1,000,000.00), o ang katumbas nito sa salapi ng Pilipinas.

Sinabi ni Tolentino na ang Maritime Zones Act ay matagal nang dapat ipinasa ngunit mas naging kinakailangan ito ngayon, lalo na’t patuloy na inaangkin ng China ang halos lahat ng South China Sea, kasama ang West Philippine Sea (WPS), gamit ang kanilang nine-dash line at kamakailan lang ang 10-dash line na binalewala ng United Nations arbitral ruling.

Sinabi nito na sa pamamagitan ng Maritime Zones Act, mapapalakas ang pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil ito ay nagtatatag ng saklaw at hangganan ng kanilang territorial waters na isinasaad sa batas.

Leave a comment