
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ng liderato ng Kamara si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pangako sa pagpapanatili ng batas at kaayusan nang hindi gumagamit ng karahasan.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at PBA party list Rep. Margarita Ignacia “Atty. Migs” Nograles binati nito ang administrasyong Marcos sa diskarte nito sa pagpapatupad ng batas, na umiiwas sa mga extrajudicial methods.
“As a lawyer, siyempre kahit hindi ka man abogado, dapat naman you don’t take the laws into your own hands. You do not violate the laws. So nakakatuwa and congratulations to this administration for doing that. Kaya naman pala,” sabi ni Nograles sa pulong balitaan.
“We congratulate the administration of PBBM for the bloodless campaign on implementing laws,” sabi naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.
Ang pahayag ni Garin ay matapos ipagmalaki ni Marcos ang makabuluhang pagbawas sa mga krimen sa unang buong taon ng kanyang administrasyon, kumpara sa parehong panahon sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na ang mga pagpapahusay na ito ay nakamit nang hindi gumagamit ng mga legal shortcut o short-circuiting ang proseso o mga aksyon na sumisira sa rule of law.
Malaki ang kaibahan nito sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nailalarawan sa pamamagitan ng extrajudicial killings na nauugnay sa kanyang agresibong kampanya laban sa ilegal na droga, na maraming biktima na kabilang sa mga marginalized sector ng lipunan.
“Kasi minsan kung puro tayo patayan, tinatanggalan mo ng karapatan na magkaroon ng boses ang maliliit na tao,” sabi ni Garin.
Dagdag naman ni Lanao del Norte 2nd District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, ang mababang krimen ay dahil sa background ni Marcos na dating gobernador ng Ilocos Norte.
“When it comes to crime, as a President, you need to have a strong bond with your mayors and governors, and I think that’s one of the advantages or assets that President BBM has in this administration,” ani Dimaporo.
“He has a very clean and very good relationship with our local chief executives and any problems at the LGU level, he tries his best to resolve,” ayon pa sa chairman ng House Committee on Muslim Affairs.
