
Ni NOEL ABUEL
Pinatawan ng contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na isinasangkot sa pagdukot sa isang beauty queen.
Sa pagdinig ng nasabing komite, hiniling ni Senador Robinhood Robin Padilla na patawan ng contempt si dating Major Allan De Castro dahil sa pagsisinungaling nito.
Agad namang ibinaba ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairperson ng komite ang hatol at iniutos ang pag-aresto kay De Castro.
Nabatid na makailang ulit na itinanggi ni De Castro na may relasyon ito sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon sa kabila ng mga inilabas na ebidensya ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Paliwanag ng NBI at CIDG, base sa nakuhang salaysay sa mga kaibigan ni Camilon ay may relasyon ito at ni De Castro.
Maliban dito, may mga larawan umano na magpapakita ng may ugnayan si De Castro at Camilon, na 5 buwan nang nawawala na sinasabing dinukot umano ng nasabing dating PNP official.
“The worst thing that they would tell me is that I’m pampering you. I cannot accept that,” nasabi ni Dela Rosa na sinabing marami nang pulis ang pina-contempt ng Senado.
