Batanes, Davao Occidental at Davao Oriental nilindol

Ni MJ SULLIVAN

Niyanig ng magkakasunod ng paglindol ang ilang lugar sa Batanes, Davao Occidental at Davao Oriental, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Nabatid na ganap na alas-10:47 ng gabi nang maitala ang magnitude 4.0 sa layong 026 km timog silangan ng Sabtang, Batanes at mababaw lamang ito sa 001 km. at tectonic ang origin.

Ganap namang alas-4:31 kaninang madaling-araw nang tumama ang magnitude 3.3 na lindol na ang sentro ay nasa layong 065 km hilagang silangan ng Cateel, Davao Oriental.

May lalim lamang itong 007 km at tectonic din ang origin.

Samantala, dakong alas-10:51 ng umaga nang maitala ang magnitude 3.6 na lindol sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental.

Nakita ang sentro nito sa layong 247 km timog silangan ng Balut Island, sa munisipalidad ng Sarangani, Davao Occidental at may lalim na 016 km at tectonic ang origin.

May mga mahihina pang mga paglindol ang naitala ng Phivolcs subalit hindi naman ito naramdaman ng mga tao.

Ayon sa Phivolcs, walang naitalang danyos ang nasabing mga paglindol at wala ring inaasahang mga aftershocks sa mga susunod na araw.

Leave a comment