Cayetano, suportado ang mas matatag na anti-scam mechanisms sa AFASA Bill

Ni NOEL ABUEL

Sa kagustuhang sundin ang halimbawa ng anti-scam protocol ng Singapore, isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang mas matatag na mekanismo na iminungkahi ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), na inihain ni Senador Mark Villar.

Ito ay kasunod ng pagsusuri ng Senado sa AFASA bill na naglalayong labanan ang pagdami ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga bangko, e-wallet, at iba pang financial institutions.

Sa ilalim ng AFASA bill, magbibigay-daan ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na suriin ang mga financial accounts ng mga hinihinalang sangkot sa mga ipinagbabawal na gawain.

Nauna nang naalarma si Cayetano, chairman ng Senate Science and Technology Committee, sa “digital highway robbery” noong nakaraang taon upang bigyan-diin ang kahinaan ng pag-access ng mga data sa internet.

“Ang digital highway ang ating problema. Maraming may akala na noong pinasa natin ang SIM card registration, mababawasan na nang husto ang mga nanloloko. Pero as you have seen, the digital way of extorting money, scams, and schemes is only one way,” ayon pa sa senador.

Bukod dito, patuloy rin nitong isinusulong ang mga hakbang laban sa katiwalian sa loob ng gobyerno.

Noong 2016, kasama ang running-mate na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, itinulak ng senador ang pagtanggal sa Bank Secrecy Law upang pigilan ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagnanakaw sa pondo ng bayan.

“Bolder solutions are needed to end this disorder,” aniya.

Bahagi ng kanyang pagtugon sa katiwalian at mga krimen sa pananalapi sa bansa, binisita ni Cayetano ang Anti-Scam Center ng Singapore Police Force noong Marso 6, 2024.

Ang Anti-Scam Command (ASCom) ng Singapore, na naging operational noong Marso 22, 2022, ay naglalayong pahusayin ang kolaborasyon ng iba’t ibang unit na nakatuon sa paglaban sa mga scam sa ilalim ng Singapore Police Force (SPF).

Pinagsasama-sama nito ang mga hakbang ng scam investigation, incident response, intervention, enforcement, at analytical capabilities bilang iisang entity.

Inilarawan ni Cayetano ang pagbisita bilang isang pagkakataon upang makakuha ng mga kaalaman sa framework at operasyon ng Center, na maaaring magamit sa pagpapalakas ng anti-scam mechanisms sa Pilipinas.

“Napakadelikado ng hacking for many reasons. It can destroy established institutions and systems that keep the country running. If we don’t solve [scamming and hacking], magkakaroon ng mas sinister [na mangyayari] at patuloy ang breaches in our cybersecurity” wika nito.

Leave a comment