
SUBUKAN N’YO
Nabiktima ang aking inaanak ng isang hunghang na estapadora na nagsangla sa kanya ng isang palapag na 40-square meter na paupahang bahay sa Caloocan City ng halagang P150,000.00 at tutubusin daw pagkaraan ng 3-taon.
Sa kasunduan ay titira ang aking inaanak at kanyang pamilya sa naturang bahay pero sa kanyang kagustuhang lumipat na roon ay puro pangako ireng si estapadora na paaalisin niya ang mga umuukupa roon. Ang aking inaanak ay nangungupahan din sa kalapit na lugar sa naturang lungsod.
Nang hindi mabakante ang nasabing paupahang bahay ay nagduda na ang aking inaanak at sa kanyang sariling pag-uusisa tungkol dito ay natuklasan niyang hindi pala si estapadora ang tunay na may-ari ng isinanlang bahay. Tsk, tsk, tsk!
Biro n’yo, mga padrino ko, napaniwala ang aking inaanak nireng si estapadora na siya ang may-ari ng paupahang bahay at sa awa niya rito at sa kagustuhan niyang lumipat ng ibang tirahan ay ibinigay niya ang naturang halaga sa estapadora. Sus, ginoo!
Ang aking inaanak at ang kanyang asawa ay nagsusumikap para maiahon ang kanilang pamilya at makaipon ng kaunti para na rin sa kinabukasan ng kanilang 3-anak.
Sa kabila ng kanilang pagsusumikap at sa kagustuhan nilang magkaroon ng malaki-laking tirahan para sa kanilang mga anak ay biniktima pa siya at hinuthot nireng si estapadora ang kanyang naipong pera. Perang inilaan niya para sa kinabukasan ng kanyang mga anak! Susmaryosep!!
Para mapanagot sa ilalim ng batas ang estapadora at maibalik ang kanyang pinaghirapang pera, nagsampa ang aking inaanak ng kasong paglabag sa Article 315 (Estafa) ng Revised Penal Code sa Office of the City Prosecutor ng Caloocan City. Sana idinagdag ang unjust vexation.
Kaya nahaharap ngayon si estapadora sa 20-taon na pagkakakuong at multa na hindi bababa sa P150k bukod sa obligado niyang ibalik ang inestapa niyang halaga.
Dahil sa tibay ng mga ebidensya laban sa estapadora ay umaasa akong isasampa ng OCP ang kaso sa korte nang agad makulong si estapadora!
Ibalibag ang hindoropot na estapadora sa kulungan na tangi niyang nararapat na kalagyan!
Abangan!!!
***
Inaprubahan na ng Board of Directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noon pang Disyembre, 2023, ang request naming mga miyembro ng Knights of Columbus Bishop Felix Perez ACN 2357, Bacoor City, Cavite, na 20-wheelchairs at halagang P20,000.00 na mga gamot, para ipamahagi sa mga may kapansanang bata at matatanda sa Luna, La Union, kaugnay ng aming charitable obligation.
Noon pa sanang Disyembre 8, 2023, namin isinagawa ang aming pakay na tumulong sa mga nangangailangan.
Pero, bagama’t aprubado na ang aming request ay nakakahalata akong mayroong iilang PCSO personnel na humaharang sa aming malinis na layunin.
Mayroon kasing kundisyon ang hindoropot bago i-release ang wheelchairs. Tsk, tsk, tsk!
Isa sa requirements nito ay magbigay raw ng certification mula sa barangay na natanggap na ang wheelchairs! Wow, naman!!!
Una ay baliw lamang ang magbibigay ng certification na natanggap na niya ang bagay na hindi man lang niya nakikita at ikalawa ay proyekto ito ng Knights of Columbus at hindi ng barangay!
Bagama’t aprubado na ito ng BOD at ni General Manager Mel Robles, na isang matulungin at maka-Diyos na nilalang, e, iniipit naman ng ilang “enterprising” personnel ng PCSO ang ipapamahaging tulong sa mga nangangailangang mamamayan ng Luna, La Union.
Dapat maimbestigahan ito ng kinauukulan para matigil na iyang masamang gawain ng ilang “enterprising” personnel ng PCSO.
Para ang tulong sa mga mamamayan ay hindi nababalam dahil sa mga ganireng “enterprising” na tauhan ng gobyerno. Enterprising na tila langis ang kailangan!
Sibakin!!!
***
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com
