FIL-Indian community umalma sa pangingikil

Nabunyag ang ginagawang kalokohan ngayon sa Bureau of Immigration (BI) matapos umanong gatasan ng multi-million peso ang Filipino-Indian community sa Iloilo, Bacolod, Bohol at iba pang bayan at lungsod sa Visayas region.
Base sa impormasyon na nakalap ng OnlineBalita, nagpapaplanong mag-aklas ang Fil-Indian community bunsod ng walang patumanggang pangingikil na ginagawa ng ilang BI operatives na pinamumunuan ng isang alyas Jude na nakatalaga sa Intelligence Division ng naturang ahensiya.
Ang hepe ng BI-Intelligence Division ay si Fortunato ‘Jun’ Manahan, ngunit hindi malinaw kung totoo ang ipinagyayabang ng isang alyas Agent Jude na nakatimbre ang kanilang ‘galawan’ hindi lang kay BI Commissioner Norman Tansinco, kundi pati na rin kay Justice Secretary Boying Remulla.
Sinasabing noong Pebrero 22, bitbit ang mission order, nagtungo sa Iloilo ang grupo ni Agent Jude upang hulihin ang dalawang Filipino-Indian na umano’y pinaghahanap ng batas.
Ngunit sa halip umano na dalawang Fil-Indian lamang ang kanilang pakay, magkakasunod na inaresto ng mga ito ang 33 Fil-Indian nationals na nakabase sa lungsod.
Sa nasabing bilang, 14 ang tinuluyan at sinampahan ng kaso bago pinahintulutang magpiyansa.
Ang natitirang 19 na Fil-Indian na inaresto ay pinakawalan kapalit ng tig-P350,000 kada isa.
Ayon sa pa sa ulat, posibleng kung susumahin, umabot sa P6.6 million ang kabuuang ‘aregluhan’ na nangyari, ayon sa mga nagrereklamo.
Sinasabing matapos manghuli at mangikil ng malaking halaga ay nagpatawag umano ng meeting ang grupo ng BI agent sa mga Fil-Indian sa probinsiya upang ipaalam na kung ayaw ng mga itong maaresto ay magbigay na lang ng tig-P50,000 bawat isa.
Sa sumbong pa, nagdedepende pa sa edad ang hinihingi umano ng BI agent kung saan ang mga 50-anyos ay P50k samantalang ang Bumbay na may edad 50-anyos pababa ay inoobliga umanong magbigay ng tongpats na P30k bawat isa.
Ipinagmamalaki umano ni Agent Jude na kailangan nitong makalikom ng P20 million bilang regalo kay Secretary Remulla.
Gayundin, ipinagmamalaki na umano ng nasabing BI agent na Tansingco ay sagradong bata umano ni House Minority Leader Marcelino ‘Nonoy’ Libanan na posibleng maging Justice secretary, kapalit ni Remulla na sinasabing may malubhang karamdaman.
Nagtataka ang Filipino-Indian community sa Iloilo kung bakit walang ginagawang aksiyon ang pinuno ng kanilang simbahan na sina Sulender Kumar at Jagmohan S. Tamber lalo’t hindi lahat ng Bumbay ay may kakayahang ibigay ang hinihinging pera ng grupo ni Agent Jude.
Sinabi naman ng isang impormante na kung talagang seryoso ang BI na maging matino ang kanilang trabaho, importanteng ma-check muna ang rekord ni Jagmohan S. Tamber upang malaman kung totoong may ‘standing warrant’ laban dito.
Sinasabing ang modus-operandi na ito na nangyayari sa Iloilo ay ginagawa na rin ngayon sa Bacolod, Bohol at iba pang probinsiya sa Visayas region.
Dahil dito, kinakalampag ng Fil-Indian community ang tanggapan nina Remulla at Tansingco na gumawa ng karampatang aksiyon hinggil sa kanilang reklamo.
Naniniwala ang Fil-Indian community na nakabase sa probinsiya na pinag-iinitan ang mga Bumbay para kikilan dahil na-extort na rin ng mga ito ang ilang Chinese at Korean nationals na naninirahan sa Visayas region.(JD)
