SMNI revocation bill pasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong bawiin ang prangkisa na ipinagkaloob sa Swara Sug Media Corporation, na tumatakbo bilang Sonshine Media Network International (SMNI).

Sa botong 284 na mambabatas na bumoto sa pagsang-ayon, apat ang tutol at apat na abstention, pinagtibay ang House Bill (HB) 9710 na mag-aamiyenda sa Republic Act (RA)11422, na nagpapalawig sa prangkisa na ibinigay sa Suara Sug sa ilalim ng RA 8122 para sa karagdagang 25 taon sa Agosto 2019.

Nabatid na ang renewed franchise ay original na itinakda na magtatapos sa taong 2044.

Ang pagbawi ng prangkisa ng SMNI ay bunsod ng sunud-sunod na umano’y paglabag, kabilang ang pagpapakalat ng fake news, pagkakasangkot sa red-tagging at paggawa ng mga makabuluhang corporate offenses.

Ang HB 9710 ay iniakda nina 1-Rider party list Reps. Rodge Gutierrez, Tingog party list Rep. Jude Acidre; Misamis Oriental, 2nd District Rep.Yevgeny Vicente Emano; Nueva Ecija 4th district Rep. Emerson Pascual at Catanduanes Rep. Eulogio Rodriguez at ang nag-sponsor ay si Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting, chairman ng House Committee on Legislative Franchises.

Sinasabing matapos magsagawa ng anim na pagdinig sa loob ng limang buwan mula noong Nobyembre 2023, napagpasyahan ng Tambunting panel na ang SMNI ay nakagawa ng ‘multiple grave infractions’ bilang paglabag sa franchise grant nito.

Nag-ugat ang congressional inquiry sa mga alegasyon ng SMNI hosts sa programang “Laban Kasama ng Bayan”, na sinasabing gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa paglalakbay sa loob ng isang taon.

Pinabulaanan ng mga opisyal ng Kamara ang alegasyon, na binanggit ang mga opisyal na rekord na nagpapakita na nagkaroon lamang ng P39.6 milyon na gastos sa paglalakbay mula Enero hanggang Oktubre 2023, kung saan ang Office of the Speaker ay gumastos lamang ng P4.3 milyon.

Umani rin ng batikos ang SMNI nang sawayin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pamunuan ng Kamara dahil sa pag-redirect ng P650 milyon na confidential funds mula sa opisina ni Vice President Sara Duterte at Department of Education sa mga ahensya ng gobyerno na responsable sa pag-secure sa West Philippine Sea sa gitna ng patuloy na panggigipit ng China.

Sa gitna ng imbestigasyon, napatunayan ng komite na ang SMNI ay may mga kasalanan sa pagkabigong maghatid ng makatotohanan at balanseng pag-uulat, na binanggit ang maraming kasong isinampa laban dito para sa red-tagging, pagpapakalat ng pekeng balita at paggawa ng walang basehang akusasyon laban sa mga miyembro ng Kamara, dating bise presidente, at pribadong indibidwal.

Inakusahan din ang SMNI ng pagtatangkang maghasik ng hidwaan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng pagsasabi ng hindi na-verify na pahayag ng Senado tungkol sa paggastos ng Kamara ng P1.8 bilyon sa mga gastos sa paglalakbay noong 2023.

Tahasan namang inamin ng SMNI ang paglipat mula sa isang non-stock, non-profit corporation patungo sa isang solong korporasyon sa ilalim ni Pastor Apollo Quiboloy noong 2006.

At noong 2023, inilipat ang controlling stake kay Bro. Marlon Acobo, na ang parehong mga transaksyon ay naganap nang hindi nakakuha ng pag-apruba ng Kongreso.

Nakasaad sa Section 10 ng RA 11422 na kinakailangan ang pag-apruba ng Kongreso para sa mga pagbabago, at tahasang ipinagbabawal ang pagbebenta, pag-upa, paglilipat, o pagtatalaga ng prangkisa nang walang paunang pahintulot ng Kongreso.

Ang parehong seksyon ay nag-uutos na ipaalam sa Kongreso sa loob ng 60 araw ang anumang transaksyon na kinasasangkutan ng pagbebenta, pag-upa, paglilipat, o pagtatalaga ng prangkisa.

Ang dahil sa pagkabigong mag-ulat ng mga naturang pagbabago ng pagmamay-ari, gaya ng ipinag-uutos ng Section 10, ay awtomatikong pagbawi sa prangkisa ng SMNI.

Leave a comment