
Ni NOEL ABUEL
Kumpiyansa ang isang kongresista na malalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa buwan ng Mayo ang New Government Procurement Reform Law.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. maaaring handa nang pirmahan ni Pangulong Marcos sa susunod na buwan o sa Mayo, ang nasabing panukalang batas.
Ginawa ni Gonzales ang pahayag sa kumperensya sa Kamara noong Miyerkules kung saan nakipagpulong ito kay Senate President Juan Miguel Zubiri upang talakayin ang panukalang bagong Procurement Law, kung saan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ang Pampanga lawmaker ang pangunahing may-akda.
Una nang sinabi ni Romualdez na umaasa ito sa Senado na ipasa na ang House Bill (HB) No. 9648 o ang sariling bersyon nitong new procurement law sa pagbabalik ng mga mambabatas sa susunod na buwan.
“Pinag-usapan po namin ni Senate President Migz na maipapasa by May. At siguro po, before SONA (President’s State of the Nation Address in July), okay na po ‘yung ating (bagong) Procurement Law,” sabi nito.
Aniya, maaaring paikliin ang proseso ng pagsasabatas para sa panukalang bagong batas kung ipatutupad lamang ng Senado ang HB No. 9648, na naglalayong ipawalang-bisa at palitan ang Republic Act (RA) No. 9184, ang kasalukuyang procurement statute.
Noong nakalipas na Disyembre, ipinasa ng Kamara ang HB No. 9648 at ang Senado ay binuksan ang deliberasyon sa ikalawang pagbasa noong nakaraang Lunes.
“So, ang gusto ko po sana, kung pupuwede kaming dalawa ni (Budget) Secretary Mena (Pangandaman) at ni Speaker (Ferdinand Martin G. Romualdez), gusto namin talaga mapabilis itong Procurement Act. Kasi po ito hinihantay na. Judiciary, inaantay na po ito, Executive, inaantay na po to. So, talaga po ito ay napaka-importanteng priority measure ng ating Pangulo,” sabi nito.
“Kulang po sila sa courtrooms, pero hindi po nila ma-bid kaagad because kailangan ma-amiendahan po natin yung ating Republic Act 9184,” dagdag nito.
Ipinaliwanag ni Gonzales na bukod sa iba pang mga tampok, ang kanyang panukalang batas ay naglalayong bawasan ang procurement process mula 120 araw ay gawing 27 araw na lamang, simula sa advertisement hanggang sa notice of award, notice to proceed, at pagpirma ng kontrata at Isang publikasyon lamang.
Aniya, ang panukalang batas ay magpapalakas din sa mga planning departments ng mga ahensya ng pamahalaan.
“Kasi, everything emanates from the planning department. So, sa DOTr (Department of Transportation), DPWH (Department of Public Works and Highways), kung wala kang tinatawag na DAED (detailed architectural and engineering design), hindi ka puwedeng mag-bid…hindi mo puwedeng i-award ‘yung project kung wala kang documents,” sabi pa nito.
Aniya, ang planning office ng isang malaking ahensiya sa imprastraktura tulad ng DPWH ay mangangailangan ng humigit-kumulang 15,000 tauhan, kabilang ang mga materyales, civil at mechanical engineers, at arkitekto.
“So, nag-usap po kami ni (Budget) Secretary Mena na kailangan kumuha pa tayo ng maraming technical expertise para matulungan at ma-augment natin dito sa Procurement Act…Willing naman siya na huwag nating biglain, kung pwede 1⁄4 muna and then 1⁄2 para at least hindi mabigla. Kasi kasama diyan yung Civil Service Commission. Kasi pag kumuha ka ng tao, kailangan (may) plantilla iyan, kailangan may civil service (eligibility) ‘yan,” giit nito.
Ang ikatlong salient features ng iminungkahing bagong procurement law ay ang pagtanggal ng kinakailangan para sa post-qualification ng mga bidders.
“Para po sana mapabilis na lahat. Kasi hindi ka naman puwedeng ma-qualify sa isang subasta (bidding) kung hindi ka pre-qualified at lehitimong negosyante or contractor,” sabi ni Gonzales.
