
Ni NOEL ABUEL
Tulad ng inaasahan, ipinasa ng Kamara ang lahat ng mga prayoridad na panukala ng 19 Congress, kabilang ang Resolution of Both Houses No. 7 at House Bill (HB) 9710, na nagpapawalang bisa sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation, na pinatatakbo bilang Sonshine Media Network International (SMNI)
Nabatid na bago nag-adjourn ang Kamara noong Miyerkules, pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga pagsisikap ng Kamara, na nagresulta sa pagpasa ng lahat ng 17 State of the Nation Address (SONA) priority bills na ang tatlo ay naisabatas na habang ang isa ay tinatalakay sa bicameral conference, at ang 13 ay naipadala na sa Senado para sa kanilang aksyon.
Maliban dito ang 56 sa 59 Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na prayoridad na panukala ay pasado na sa ikatlo at huling pagbasa, at ang 14 na panukala ay naisabatas na.
“Ladies and gentlemen, we have done our homework. Our accomplishments reflect our proactive stance in catering to the needs of the people by passing these much-needed legislation that are attuned to the Philippine development plan and the 8-point socioeconomic agenda under the medium-term fiscal framework of His Excellency, President Ferdinand Romualdez Marcos Jr.,” ani Romualdez.
Pinasalamatan nito ang mga pinuno ng Kamara, mga opisyal at kawani ng secretariat, kabilang na ang mga congressional staff sa tagumpay na ito.
“Each of you plays a quintessential role in the orchestration of our legislative symphony. Your strategic leadership, unwavering commitment, and seamless support have been indispensable to our collective achievements. Your meticulous efforts ensure the wheels of progress turn smoothly and I am profoundly grateful,” dagdag ng lider ng Kamara.
Binigyan-diin ni Romualdez ang tungkulin sa oversight sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maramihang pagtatanong sa sesyon.
Sinabi rin nito na ang mga imbestigasyon ay nagsilbing pangunahing batayan upang matiyak ang kalinawan at pananagutan sa loob ng pamahalaan.
Naghain ng mosyon si Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe para sa adjournment ng sesyon hanggang ika-29 ng Abril matapos na ang “House, working overtime, double time, did our homework, finished our assignment, passing 100 percent all the priority legislative measures.”
Nauna nang pinagbotohan ng Kamara ang Resolution of Both Houses No. 7 sa ikatlo at huling pagbasa na nakatanggap ng pabor na botong 288, walong kontra at dalawang abstensyon.
Ipinapanukala ng RBH 7 na amiyendahan ang mga Articles XII, XIV at XVI ng 1987 Constitution, na tumutukoy sa public service sector, access to educational institutions at advertising industry.
Pinawawalang bisa naman ng HB 9710, ang prangkisa na iginawad sa Swara Sug Media Corporation, na nakatanggap ng pabor na botong 248, apat na kontra at apat na abstensyon.
