
Ni NOEL ABUEL
Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang trafficking victims sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 gamit ang pekeng dokumento.
Ayon sa BI, ang mga biktima ay 51-anyos, at 30-anyos, na naharang noong Marso 19 makaraang tangkaing lumusot sa NAIA at sumakay ng Emirates flight patungong Dubai.
Ang mga biktima na isang lalaki at isang babae ay patungo sa Arab region at nagsabing makikipagkita sa kani-kanilang mga asawang overseas Filipino workers (OFWs).
Gayunpaman, pagkatapos ng pag-assess ng immigration officers ay isinangguni ang mga ito sa secondary inspection at napansin ang mga hindi pagkakapare-pareho sa kanilang mga pahayag at mga dokumento.
Dito ay inamin ng mga biktima na ang hawak ng mga itong dokumento ay binili sa isang fixers na nakilala lamang sa Facebook at inatasang nagkunwang mga turista.
At ang kanilang marriage certificates ay isinailalim sa forensic document inspection kung saan nakumpirma na peke ito.
Inamin din ng mga ito na pinangakuan ng trabaho bilang car painter at salon worker sa Oman na may katapat na suweldong 250 Riyals.
Nagpaalala si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga aspiring OFWs na ang mga dokumentong kinukuha sa pamamagitan ng illegitimate na paraan ay malamang na peke o tampered.
“We cannot just buy documents online. Ensure that you are getting your documents from legitimate sources, lest be duped into getting fake ones,” ayon kay Tansingco.
