
SUBUKAN N’YO!!!
“Lawyering is a noble profession.”
Obligado akong magpaliwanag sa Regional Trial Court (RTC) tungkol sa sulat ko doon para patawarin ng naturang korte ang isang napakagandang 30-year-old na dentistang hinatulan noong Enero, 2020 ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) na mabilanggo ng 3-taon at magmulta ng P75,000.00 dahil sa demanda ko na paglabag ng Republic Act No. 9994 (RA 9994) o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Inapela ng naturang dentista ang hatol sa RTC.
Ang naturang sulat ay ipinakiusap sa akin ng abogado nu’ng dentista para sa kanyang apela. Mapapahiya raw siya sa kanyang kliyente kaya pumayag ako sa kundisyong hindi ko ito panunumpaan o ipanonotaryo.
Hindi na sana humantong pa sa conviction ng dentista kung hindi lang sugapa sa salapi ang kanyang naunang abogado.
Biro n’yo, mga padrino ko, pumayag na ako sa mungkahi ng MTCC judge na ayusin na lang ang kaso. Ako ang private complainant sa kaso kaya ako ang nagboluntaryo sa amicable settlement nito.
Bagama’t gumastos na ako ay sumang-ayon akong iatras na ang kaso kahit pa hindi na ibalik ang aking ginastos basta sumunod lang si dentista sa batas lalo na ang RA 9994.
Pero biglang umalingawngaw ang kalakas na sigaw ng kanyang unang abogado ng “We object. Walang kasalanan ang aking kliyente (dentista)”, kaya itinuloy ang kaso at nahatulan nga ang kliyente ni abogago, este, abogado! Sus, ginoo!!
Mawawalan na kasi siya ng kikitain sakaling pumayag sa areglo ang dentist. Tsk, tsk, tsk!
xxx
Para sa kanyang apela, kumuha si dentista ng ibang abogado na nakilala ko na noon pang 1986 dahil sa miyembro rin siya ng media.
Madalas kaming mag-usap nu’ng bagong abogado ni dentista hanggang sa minsan ay hindi kami nagkasundo nu’ng pilit akong pina-aatras sa aking demanda laban sa receptionist ni dentista.
Gusto niyang matiyak ang aking pag-atras pero ayaw kong dinidiktahan ako sa mga desisyon ko kaya hindi ako pumayag sa kanyang kahilingan.
Malinaw na ipinahamak ng mga abogado si dentista!
Pero sakaling katigan ng RTC ang kanyang apela ay lalabanan ko ang desisyon hanggang sa magkaroon ito ng finality ito. O hanggang sa makulong itong si dentista!
Abangan!!!
Malaki ang respeto ko sa mga abogado kasi ang yumao kong ama ay abogado at apat ang nakababata kong kapatid na pawang mga abogado na nasa gobyerno.
Mayroon din akong dalawang pamangkin na abogada at misis ng isa pang pamangkin ay abogada rin.
Pero wala silang alam o hindi ko sila kinokonsulta tungkol sa mga kaso ko.
Hindi ko sila kinakalampag sa ano mang problem ko sa mga kaso.
Marami na akong natanggap na reklamo hinggil sa estilo ng pagtalaga sa mga opisyal ng Knights of Columbus lalo na sa mga distrito nito.
Tila raw may halong pulitika ito gayong apolitical itong Catholic fraternal organization. Yaon bagang walang halong pulitika.
Umasa silang itatanong ko ito sa mga magigiting na abogado na nasa pamumuan ng K of C Luzon jurisdiction kasi mali nga naman na porke “ket-di” ang ilang itinatalagang opisyal sa appointing authority ay sila na laang ang nailalagay dito.
Kahit na inutil naman sila at eksperto lamang sa utos dito, utos doon ang mga hindoroport! Sus, ginoo!!.
Gibain ang mali at masamang kaugaliang ito!!!
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com
