
Ni NOEL ABUEL
Sa kabila ng pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang nakuhang mahalagang impormasyon ang mga Chinese nationals na naging miyembro ng PCG auxiliary group, ay nais ng isang kongresista na may managot dito.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre na dapat ay may pananagutan sa sinumang pumayag sa mga Chinese national na ma-recruit bilang mga miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary.
Giit ng Acidre, malaking banta sa seguridad ng bansa ang presensya ng mga Chinese nationals sa PCG.
“I’m sure there will be people who should be made accountable. It’s not what we can consider an honest mistake, I’m sure the concealment is something that’s malicious and that is a serious threat to national security,” sabi nito.
“Bakit sila nakapasok. Sino ‘yung mga nagpahintulot? Who turned a blind eye? I’m sure, hindi naman pwedeng nangyari lang ‘yon ng sila lang,” dagdag ni Acidre.
Sinabi nito na ang pahayag ng mga opisyal ng Coast Guard na ang mga Chinese recruit ay tinanggal mula sa kanilang auxiliary force ay isang ‘welcome development’.
“Otherwise, it would have been really alarming that in our country’s security forces, even if they say they’re just PCG Auxiliaries ‘no, ay napapasukan tayo. Akala ko nga, sa pelikula lang nangyayari ‘yung mga ganong bagay diba?” tanong ni Acidre.
“To think, when you are a PCG Auxiliary, you actually wear a uniform and for the uniform of the PCG use, the agency na involved sa pagprotekta ng West Philippine Sea parang double whammy naman tayo doon diba?” giit nito.
Nanawagan ito sa PCG at mga ahensyang may katulad na auxiliary forces na suriin nang sapat ang kanilang mga recruit at volunteers.
“I call on all the agencies that have auxiliary bodies or institutions like the PCG Auxiliary. I hope they look into the qualifications. I hope that this should be a lesson for us moving forward,” aniya pa.
Inamin ni Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pag-recruit ng mga Chinese sa kanilang auxiliary unit sa harap ng komite ng Kamara bilang tugon sa tanong na ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
“We already went to a process in coordination with relevant intelligence and national security concerned agencies of the government, and in fact, we have already delisted 36 of them (Chinese nationals),” sabi ni Gavan.
Sinabi nito na ang mga Chinese ay tinanggal dahil sa hindi pagkuha ng mga kinakailangang security clearance.
Sinabi ni Barbers na ang mga Chinese nationals ay hindi dapat na-recruit sa unang lugar, dahil ang Pilipinas ay may usapin sa China sa West Philippine Sea.
