
Ni KAREN SAN MIGUEL
Ibinasura ng Commission on Audit en banc ang apela ng mga opisyal ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na itinatanggi ang desisyon nitong Enero 29, 2018 na nagpatibay ng 112 notice of disallowance (NDs) laban sa kanilang cash benefits na nagkakahalaga ng P664.36 milyon na binayaran noong Hulyo 2009 hanggang Disyembre 2012.
Idineklara nina COA chairperson Gamaliel A. Cordoba at Commissioners Roland Café Pondoc at Mario G. Lipana ang apela na walang merito na binanggit na ang mga batayan sa inihaing motion for reconsideration ay isang “rehash lamang” ng mga nakaraang argumento na isinasaalang-alang at tinanggihan na ng komisyon.
Sa breakdown ng disallowances ipinapakita na ang PEZA Head Office ay nakatanggap ng walong NDs sa halagang P454.66 milyon; 21 NDs sa Baguio City Economic Zone (BCEZ) sa halagang P54.73 milyon; 17 NDs laban sa Cavite Economic Zone (CEZ) sa halagang P79.33 milyon at 66 NDs laban sa Mactan Economic Zone (MEZ) sa halagang P75.65 milyon.
Sinabi pa ng state auditor na ang ilegal na cash perks ay batay sa PEZA Board Resolution No. 09-372 na ipinasa noong Hulyo 21, 2009 na nag-apruba ng pagtaas sa compensation plan ng ahensya na naging epektibo noong Hulyo 1, 2009.
Ang dagdag na salary rates ay representation and transportation allowances (RATA), overtime pay at night differentials, bonuses, benefits, monetization ng leave credits, gratuity pay, employer’s share sa Provident Find, at ang government’s share sa personnel’s contributions sa Government Service Insurance System (GSIS).
Gayunpaman, napuna ng mga auditors na ang pagtaas ay lumabag sa Section 6 ng Presidential Decree No. 1597 dahil sa kabiguan na makakuha ng pagpayag ng Office of the President.
Kabilang sa pinakamalaking bagay na sinita ng COA ay ang P171.85 milyon na hindi awtorisadong pagtaas ng suweldo, representation and transportation allowances (RATA), overtime pay, at monetized leave credits para sa mga tauhan ng PEZA Head Office para sa Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2011; ang P93.15 milyon na pagtaas ng sahod, RATA, overtime pay, at mga na-monetized na leave credit para sa Enero hanggang Disyembre 2012; at ang P92.28 million salary hike, 13th month pay, at anniversary bonus na binayaran noong Hulyo 2009 hanggang Mayo 2010.
