Solon sa DA: Magpatupad ng mas mahigpit na price monitoring ngayong Semana Santa

Rep. Wilbert Lee

Ni NOEL ABUEL

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng isda at gulay dahil sa Semana Santa, hinimok ng isang kongresista ang Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang mas mahigpit na pagsubaybay sa presyo at magtakda ng suggested retail price (SRP) sa mga pangunahing bilihin.

“Natutuwa po tayo na araw-araw ay may update ang DA sa kanilang website sa presyo ng karne, isda, at gulay. Pero napansin po natin na prevailing retail prices ang nakalagay. Mas mainam siguro kung maglagay rin ng SRP para magkaroon ng batayan ang ating mga kababayan kung overpriced na ba o hindi ang binibili nilang mga paninda,” sinabi ni AGRI party list Rep. Wilbert T. Lee

“While it is natural for the retail prices of vegetables and fish to go up during the Holy Week, dapat pa ring magpatupad ng mas mahigpit na pagbabantay ang DA at Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na sa linggong ito,” dagdag nito.

Ang pahayag ni Lee ay kasunod ng sabihin ng DA na umaasa ito ng 10 hanggang 20 porsiyento na pagtaas sa presyo ng isda sa panahon ng Holy Week kahit na ang kagawaran ay nagtitiyak na may sapat na supply ng isda.

“Bantayan po sana ng DA at DTI ang mga magsasamantala, lalo na ngayong Mahal na Araw, na papatungan ang presyo ng kanilang mga paninda hanggang sa umabot na sa ‘di makatarungang presyo,” ayon sa kongresista.

“If there is ample supply of fish, then the price increases should not be so significant even though it is the Holy Week. Huwag naman po nating pabigatin pa ang pasanin ng marami nating kababayan,” aniya pa.

Batay sa monitoring ng DA sa Metro Manila markets, ang halaga ng presyo ng bangus mula P150 at P220 bawat kilo habang ang tilapia ay sa pagitan ng P120 hanggang P160 bawat kilo; local na galunggong ay mula P180 hanggang P300 bawat kilo.

Samantala na-import na GG ay mula P180 hanggang P200 bawat kilo; at Indian mackerel, sa pagitan ng P280 hanggang P350 bawat kilo.

Bukod dito, hinimok din ng mambabatas ang DA na tularan ang price monitoring nito sa mga probinsya at regional level.

“Sa kasalukuyan, Metro Manila prices lang ang minomonitor ng DA. Sana ay gawin din ito ng provincial at regional offices para naman hindi lang mga nasa NCR ang makinabang sa price monitoring,” aniya pa.

“Winner Tayo Lahat sa pagsasagawa ng price monitoring sa buong bansa at pagsigurong hindi overpriced ang mga bilihin. Bawat halagang matitipid ng ating mga kababayan ay magagamit sa iba pang pangangailangan; extra budget ito na makababawas sa pangamba, lalo na kung may magkasakit sa pamilya,” pahayag pa ni Lee.

Leave a comment