
Ni NERIO AGUAS
Matagumpay na naipa-deport na ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese nationals na miyembro ng notoryus na ‘Luffy’ gang.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang dalawang dayuhan na sina Sugano Kazushi at Shimoeda Saito, na naipa-deport na ngayong araw, Mayo 26 sakay ng Japan Airlines flight patungong Tokyo, Japan.
Sa record ng BI, sina Kazushi at Saito ay pawang undesirable aliens kasunod ng pagdedeklara ng Japanese government bilang fugitives from justice at may arrest warrant na inilabas ng Tokyo Summary Court dahil sa pagiging bahagi ng large-scale telecom fraud group.
Nabatid na taong 2019 nang magtago sa Pilipinas ang nasabing mga dayuhan.
Isang manhunt operation ang isinasagawa laban sa mga ito at sa kanilang mga kasabwat matapos matanggap ang opisyal na komunikasyon mula sa gobyerno ng Japan noong Pebrero 2023 na nagpapaalam sa kanilang criminal status.
Si Shimoeda Saito ay naging laman ng balita noong Nobyembre 16, 2023 nang masabat sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nang tangkaing lumusot palabas ng bansa sakay ng Cebu Pacific flight patungong Nagoya, Japan.
Nang malaman na ito ay inaresto, ito ay gumamit ng mga nakababahala na taktika tulad ng sinadyang iuntog ang kanyang ulo sa immigration counter at nagkukunwaring balisa.
“Their deportation is a significant achievement in our efforts to disrupt criminal networks victimizing unsuspecting individuals. This successful deportation is a testament to the collaborative partnership and good relationship between the Philippines and Japan. We will not allow our country to be used as a hiding ground for criminals and syndicates,” sa pahayag ni Tansingco.
