
Ni NERIO AGUAS
Nakipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa isang multinational technology corporation para magbigay ng pagsasanay sa artificial intelligence (AI) at cybersecurity.
Ito ay alinsunod sa mga pagsisikap ng ahensya na pataasin ang kakayahan ng mga manggagawa na makapagtrabaho sa gitna ng digitalization
Sa pakikipagtulungan ng Microsoft Corporation na nag-organisa ng isang serye ng internal hackathon o social coding event kung saan magsasama-sama ang mga kawani ng DOLE upang magtulungan, bumuo ng ideya, at lumikha ng mabisang solusyong pang-teknolohiya na makatutugon sa mga lokal at pandaigdigang hamon.
Makikipagtulungan din ang Microsoft sa DOLE, sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), para “paliitin ang digital divide” sa pamamagitan ng pagbibigay-kaalaman sa higit 100,000 babaeng mag-aaral tungkol sa AI at cybersecurity.
Sinasabing sa pamamagitan ng pagtutulungan, bubuo ng mga programa para sa pagsasanay sa pakikipagtulungan sa mga educational institution, nonprofit at corporate organization upang mabigyan ang mga magsasanay ng kaalaman sa AI at bigyan sila ng kakayahan upang matukoy at mapigilan ang banta ng cybersecurity.
Bahagi ang inisyatibo ng pakikipagtulungan at programa ng Microsoft upang tulungan ang mga organisasyon na mapakinabangan ang mga oportunidad na dala ng pinakabagong teknolohiya ng AI gaya ng inihayag sa ginanap na United States Presidential Trade and Investment Mission to the Philippines noong Marso 11-12, 2024.
Binigyan-diin ng DOLE na ang pagtutulungan ay bilang suporta sa digital transformation agenda ng Philippine Development Plan 2023-2028 at ng Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028.
Naaayon din ito sa National Artificial Intelligence Roadmap, na siyang estratehiya at polisiya ng bansa sa AI, at sa Philippine Digital Workforce Competitiveness Act, na sumusuporta sa pagtutulungan ng pamahalaan at private stakeholder para sa upskilling, re-skilling, at pagsasanay sa mga manggagawang Pilipino sa digital technology at innovations.
