
Ni NERIO AGUAS
Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa publiko na mag-ingat sa panibagong trafficking scheme na nambibiktima ng mga kababaihan para magtrabaho sa sex trade sa ibang bansa.
Ibinahagi ni Tansingco ang pagharang sa isang babaeng biktima noong Marso 22 matapos tangkaing umalis patungong Kota Kinabalu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kasama ang kanyang sinasabing live in partner para magbakasyon.
Subalit hindi nakalusot sa immigration officers ang modus ng lalaki makaraang matuklasan na nauna nang bumiyahe ito patungo sa Malaysia at may kasamang babae na sinabi rin nitong live in partner subalit nang bumalik sa bansa ay hindi na kasama ang babae.
“This seems like another case of the Bitbit scheme, in which a frequent traveler would attempt to transport a female victim who will be deceived into working as a sex worker abroad,” sabi ni Tansingco.
Ang pinabagong biktima ay dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong habang ang human trafficker ay nahaharap sa pagpalabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Binanggit ni Tansingco ang kaso noong 2023 kung saan ang biktima ay ilegal na nakasakay sa isang bangka sa Palawan upang maglakbay sa Malaysia.
Ang biktima ay iniulat na naglakbay sa mga bulubunduking teritoryo hanggang maabot ang isang hotel sa Sibu, Malaysia kung saan pinagtrabaho ang mga ito bilang sex workers.
“She was held captive. Disturbingly, she was subjected to appalling conditions, including being denied food if she failed to satisfy the demands of her captors. She was even forced to undergo abortion when they discovered she was with child,” ayon pa kay Tansingco.
