Sa gitna ng “Carmageddon”: Toll Way bill ipasa na — solon

Rep. Bernadette Herrera

Ni NOEL ABUEL

Muling binuhay ng isang kongresista ang panukalang magbibigay ng solusyon sa lumalalang trapiko sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera, dapat nang ipasa ang House Bill No. 8161, o ang Toll Way bill, layon nito na ang hindi pagbabayad sa toll ay ituring na paglabag sa trapiko at nangangailangan ng automated cashless collection ng toll upang mapabuti ang kaligtasan ng kalsada lalo na sa panahon ng holiday peak.

Inihalimbawa pa ni Herrera ang naranasan ng mga bumiyahe palabas at pabalik ng Maynila na dumanas ng traffic jams o “Carmageddon” nitong nakaraang Holy Week.

“The time for action is now. We cannot afford to delay the approval of this bill any longer, especially considering the urgent need to improve traffic flow and ensure the safety of motorists,” giit ni Herrera.

Ang panukalang batas ni Herrera ay nagpapakilala ng mga makabagong sistema ng tolling tulad ng Open Road Tolling at ang Multi-Lane Fast Flow (MLFF), ang pag-streamline ng koleksyon nang hindi nangangailangan na huminto ang mga sasakyan sa mga toll booth, kung mayroon gumaganang Radio-Frequency Identification (RFID) tag at sapat na pondo.

Sa pamamagitan aniya ng nasabing sistema, mababawasan ang travel time at mapapabuti ang daloy ng trapiko na magdudulot din ng environmental benefits.

Inihalimbawa pa ni Herrera ang matagumpay na pagpapatupad sa ibang bansa sa Asya tulad ng MLFF system ng Taiwan.

“In Japan, China, Korea, Singapore, and Hong Kong, vehicles slow down to around 40 to 60 kilometers per hour. In Taiwan, there’s no need to reduce speed due to MLFF,” aniya pa.

Sinabi ni Herrera na ang pagpasa ng panukala ay magbibigay-daan sa Pilipinas na gamitin ang sistema ng MLFF, epektibong pagtugon sa mga mahahalagang isyu sa trapiko sa mga tollways.

“Besides being a major inconvenience for drivers, our country lags behind in tollway speed, as we’re the only ASEAN nation mandating a complete stop on supposed expressways,” sabi pa ng mambabatas.

Ang isang mahalagang probisyon sa panukalang batas ay nagtatalaga ng hindi pagbabayad ng mga toll fee bilang isang paglabag sa trapiko na may kasamang multa at parusa, na naglalayong pigilan ang anumang sinadya o hindi sinasadyang pag-iwas sa pagbabayad ng toll na maaaring humantong sa traffic gridlock at aksidente.

“By making non-payment of toll fees a traffic violation, we are sending a clear message that traffic rules must be followed. This is a fundamental step in ensuring the safety of our tollways,” ayon kay Herrera.

Sa panukalang batas, magpapatupad ng mahigpit na parusa para sa mga paglabag kung saan ang unang paglabag ay may multang P1,000 at isang buwang suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho.

Sa ikalawang paglabag, tataas ang parusa sa P2,000, kasama ng tatlong buwang suspensiyon.

At sa pangatlong paglabag, multang P5,000 at anim na buwang suspensyon ng lisensya.

Leave a comment