Chinese mafia leader, 3 pa arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese nationals na pinaghihinalaang sangkot sa pagpapakalat ng pekeng government identifications.

Ayon kay BI intelligence division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang apat na dayuhan ay sina Wang Tao, Li Xiaoming, Guo Zhi Yang, at si Lyu Zhiyang na sinasabing lider ng Chinese mafia, na naaresto sa Brgy. San Pedro sa Palawan City noong nakalipas na Marso 19.

Sinasabing ang mga ito ang sangkot sa pagkakalat ng pekeng government-issued identification cards at iba pang dokumento.

Nabatid na kasama sa operasyon ng BI-Intel agents ang Naval Forces West, National Intelligence Coordinating Agency 4B, at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Si Lyu, na may alyas na Ken Garcia Lee, ang mastermind ng illegal na operasyon sa Palawan.

Pinamumunuan umano nito ang isang lokal na sindikato na nagbibigay ng mga dokumentong inisyu ng gobyerno na iligal na nakuha sa mga undesirable aliens at mga biktima ng trafficking.

Sa nasabing pagsalakay, ilang mga Philippine issued IDs ang nakumpiska at nasamsam mula sa mga naturang mga dayuhan kabilang ang drivers licenses, postal IDs, at birth certificates.

“The arresting team of the operation have been working on the case for several months and have kept close coordination with intelligence forces and law enforcement agents to ensure the smooth arrest of the subjects,” sabi ni Manahan.

Pinuri ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga BI-Intel operatives at sinabing ang mga suspek ay itinuturing na malaking isda na nasa likod ng pagpapalabas ng iligal na Philippine IDs sa mga dayuhang nagpapanggap na mga Pilipino.

Matatandaang noong Marso, nagpahayag ng pahayag si Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers na nababahala sa dumaraming bilang ng mga pag-aresto at pagharang sa mga dayuhang may hawak ng mga Philippine documents.

Sa datos ng BI noong nakalipas na taon, 10 kaso ng naarestong dayuhan na nagpakilalang Pilipino dahil sa pagpapakita ng authentic Philippine documents.

Ang apat na Chinese nationals ay nakakulong ngayon sa BI jail facility sa Bicutan, Taguig na nahaharap sa kasong paglabag sa misrepresentation and undesirability na naaayon sa Philippine Immigration Act of 1940.

Leave a comment