
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin kay dating Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na tumutok sa pagbibigay ng solusyon sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea (WPS) sa halip na manawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Maybe it would be a good contribution by the former Speaker to put forward solutions. Ano ba ang pwedeng solusyon dito sa dispute na ito? Ano ba ang dapat gawin instead of calling for a resignation? Because that [call for] resignation will not really solve the problem,” giit ni Garin sa pulong balitaan sa Kamara.
Si Alvarez, na kasalukuyang kumakatawan sa unang distrito ng lalawigan ng Davao del Norte sa Kongreso, ay nagmungkahi noon na magbitiw si Pangulong Marcos upang mabawasan ang tensyon sa WPS.
Ang panukalang ito ay tinitingnan ng lider ng Kamara bilang pagtatangka upang mapabilis ang pag-akyat umano ni Vice President Sara Duterte sa pagkapangulo, na ginagamit ang kanilang ibinahaging pro-China stance.
Kinuwestiyon ni Garin ang katwiran sa likod ng panawagan ni Alvarez para sa pagbibitiw at binanggit ang mga umiiral na proseso tulad ng kapangyarihan ng mga Pilipino na tanggalin ang mga opisyal sa pamamagitan ng halalan o impeachment.
Binigyan-diin ni Garin na ang pagtawag para sa pagbibitiw ay maaaring hindi ang pinakamahusay na solusyon, lalo na nang walang pagtukoy ng mga partikular na pagkukulang.
“‘Yung isang tao kapag binoto ng tao, ang makakatanggal sa kanya ay ang sambayanang Pilipino rin. It’s not fair for one person to call on the President to resign specifically if you cannot pinpoint the specific lapses,” sabi ni Garin.
Giit pa ng mambabatas na ang pagresolba sa mga kumplikadong isyu tulad ng WPS ay hindi makakamit ng magdamag ng isang presidente.
Gayunpaman, nagpahayag ito ng paniniwala tungkol sa pag-unlad na nagawa at binigyang-diin ang kahalagahan ng hindi natitinag na pangako ng administrasyong Marcos sa pagprotekta sa teritoryo ng bansa.
“What is important is that we are seeing concrete steps. The leadership of our country will not yield even an inch of our territory. ‘Yung passion, determination and commitment na ‘yan, that is what is important,” ani Garin.
Binigyan-diin din nito ang matagal nang isyu ng WPS, na binanggit ang kahalagahan nito hindi lamang para sa Pilipinas at China kundi maging sa ilang iba pang mga bansa.
Sinabi pa ni Garin na ang usapin ay kinasasangkutan din ng Vietnam, Thailand, Taiwan at Malaysia, lahat ay may pag-angkin sa rehiyon.
