Surigao del Sur at Bukidnon nilindol

Ni MJ SULLIVAN

Binulabog ng malakas na paglindol ang ilang lalawigan ng Mindanao ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa Phivolcs, alas-5:16 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 5 na lindol na natukoy ang sentro sa layong 024 km hilagang silangan ng Lingig, Surigao del Sur.

May lalim itong 028 km at tectonic ang origin.

Naramdaman ang intensity V sa Lingig, at Hinatuan, Surigao del Sur at intensity IV sa syudad ng Bislig, Surigao Del Sur.

Habang intensity III naman sa Boston, Davao Oriental .

Sa instrumental intensities naman ay naitala ang intensity III sa lungsod ng Bislig, Surigao del Sur at Nabunturan, Davao de Oro samantalang intensity I sa lungsod ng Tandag, Surigao del Sur.

Isinusulat ang balitang ito ay inaalam pa kung ano ang naging danyos ng nasabing malakas na paglindol.

Wala namang inaasahang aftershocks sa mga susunod na mga araw.

Sa kabilang banda, tumama rin ang isa pang lindol sa probinsya ng Bukidnon.

Ganap na alas-10:12 ng umaga nang maitala ang magnitude 4.3 na lindol na natukoy ang sentro sa layong 013 km hilagang silangan ng Quezon, Bukidnon at may lalim na 010 km at tectonic ang origin.

Naitala sa instrumental intensity ang intensity III sa San Fernando, Bukidnon.

Leave a comment