
Ni KAREN SAN MIGUEL
Dinuskuwalipika ng Sandiganbayan ang abogado ni dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon dahil sa may kinakaharap na dalawang graft case ang una.
Sa 11-pahinang resolusyon ng Sandiganbayan Fifth Division na may petsang Marso 7, 2024, kinatigan nito ang motion for disqualification na inihain ng prosekusyon laban kay Atty. Jelina Maree Magsuci.
Sinasabing si Magsuci ay pinagbabawalan ng batas na maging counsel kay Faeldon base sa RA 7160 o ang Local Government Code.
Bagama’t walang ginawang aksyon sa kahilingan ng prosekusyon na parusahan si Magsuci para sa pag-abogado para kay Faeldon, sinabi ng Sandiganbayan na nakasalalay sa kinauukulang awtoridad na gumawa ng anumang aksyon na sa tingin nito ay naaangkop laban dito.
Si Faeldon ay nahaharap sa dalawang bilang ng graft na inihain noong 2021 ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y smuggling ng Vietnamese rice na nagkakahalaga ng P34 milyon sa pamamagitan ng Port of Cagayan de Oro noong 2017.
Kasama rin sa kaso si Customs district collector Tomas Alcid at mga opisyales ng grains import firm na Cebu Lite Trading Inc.
Inakusahan si Faeldon na illegal na inaprubahan ang pagpapalabas ng unang shipment na 21,800 bags ng bigas sa halagang P18.5 milyon habang ang ikalawang shipment ay kinapapalooban ng 18,200 bags ng bigas na nagkakahalaga ng P15.5 milyon na walang valid import permits at hindi pagbabayad ng customs duties at taxes.
Sa mosyon ng prosekusyon noong Pebrero 22, 2024, ipinabatid nito sa anti-graft court na si Magsuci ay incumbent member ng Sangguniang Panlungsod ng Calapan City, Oriental Mindoro kung saan nahalal ito noong May 2022 general elections.
Tinukoy nito ang isinasaad ng Section 90 (b) (2) ng RA 7160 o ang Local Government Code of 1991 na pinagbabawalan ang sinumang Sanggunian member na abogado ay Humarap bilang legal counsel sa anumang criminal case kung saan ang kliyente ay isang government official na may kinakaharap na kaso.
Maliban sa paghingi ng diskwalipikasyon kay Magsuci, sinabi ng prosekusyon na nagbigay din ito ng mga kopya ng mosyon nito sa Committee on Bar Discipline ng Integrated Bar of the Philippines at sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tinutulan ni Magsuci ang mosyon para sa kanyang diskwalipikasyon at sinabing ito ay sa kadahilanan na si Faeldon ay hindi na konektado sa BOC o anumang posisyon sa gobyerno bago pa man ito nagsimulang kumatawan sa huli sa korte at mahalal sa kanyang posisyon.
Si Faeldon ay nagbitiw bilang Customs commissioner noong Setyembre 4, 2019 habang si Magsuci ay pumasok sa kanyang pagharap bilang kanyang abogado noong Mayo 19, 2021.
“After a careful consideration of the facts and applicable law, the Court finds and holds that Atty. Magsuci, assisting counsel for accused Faeldon, is disqualified from appearing as counsel in these cases,” sa desisyon ng Sandiganbayan.
