
Ni MJ SULLIVAN
Niyanig ng malakas na paglindol ang Davao Occidental kasunod na naitalang magnitude 7.5 sa bansang Taiwan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Magnitude 7.1 na lindol ang naitala sa dalampasigan ng Sarangani Island, Davao Occidental dakong alas-4:48 ng madaling-araw na may lalim na 76 km.
Dulot ito ng naitalang magnitude 7.5 na lindol sa bansang Taiwan na tumama ganap na alas-7:58 ng umaga, oras sa nasabing bansa.
Agad naman pinawi ng PAGASA ang takot ng mga residente ng nasabing probinsya na magdulot ng tsunami ang nasabing malakas na paglindol.
“No destructive tsunami threat exists based on available data. This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake,” ayon sa ebalwasyon ng PAGASA.
Samantala, niyanig naman ng magkasunod na malakas na paglindol ang lalawigan ng Surigao del Sur ngayong araw.
Base sa datos, dakong alas-12:51 ng tanghali nang tumama ang magnitude 5.1 na lindol na nakita ang sentro sa layong 065 km hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at nasa 001 km lamang ang lalim at tectonic ang origin.
Sinabi ng Phivolcs, na ang nasabing paglindol ay aftershock ng magnitude 7.4 na lindol na tumama sa nasabing probinsya noong nakalipas na Disyembre 2023.
Naramdaman ang intensity IV sa lungsod ng Bislig, Surigao del Sur habang intensity III naman sa Lingig, Surigao del Sur at intensity II naman sa Tagbina, Surigao del Sur.
Samantala, sa instrumental intensity, naitala ang intensity II sa lungsod ng Bislig, Surigao del Sur.
Ganap namang alas-1:45 ng hapon nang tumama ang magnitude 4.1 sa nasabi ring lalawigan.
Nakita ang sentro nito sa layong 059 km hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at may lalim lamang na 011 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity III sa lungsod ng Bislig, Surigao del Sur.
Nasundan pa ng mahihinang mga aftershocks ang nasabing malakas na paglindol.
Inaalam pa kung may danyos ang nasabing magkasunod na paglindol.
