Solon sa MECO: Tulungan ang mga OFWs sa Taiwan

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan ang isang kongresista sa pamunuan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na agarang alamin ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng magnitude 7.5 na lindol na tumama sa Taiwan.

“Nanawagan tayo sa ating pamahalaan, lalo sa pamunuan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), na agarang alamin ang kalagayan ng ating mga kababayan, siguruhing mayroong temporary shelter at basic needs ang mga kababayang lubos na naapektuhan ng lindol, at magkaroon ng masusing koordinasyon sa Taiwan authorities para sa relief, rescue, at evacuation operations,” sabi ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino.

Ayon sa kongresista, nababahala ito sa kalagayan ng mga overseas Filipinos (OFs) at OFWs na naapektuhan ng magnitude 7.5 na lindol sa Taipei, Taiwan ngayong umaga.

Sinabi ni Magsino na handa ang OFW party list na magbigay ng tulong sa mga maaapektuhang Filipino sa Taiwan, maging sa mga kapamilya ng mga ito sa bansa na nababalot ng pagkabahala.

“Patuloy rin kaming mananalangin na ang bawat Pilipino sa Taiwan ay ligtas at nasa maayos na kalagayan ngayon,” sabi ni Magsino.

Kasunod ng paglindol sa Taiwan, naglabas ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para sa apat na lugar sa hilagang Luzon, tulad ng Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte, at Isabela, na sa huli ay agad na binawi.

“Kaya’t hinihikayat namin ang lahat ng mga residente sa mga lugar na posibleng maapektuhan na sumunod sa mga direktiba ng lokal na pamahalaan at lumikas nang maaga,” abiso pa ni Magsino.

Leave a comment