
Ni KAREN SAN MIGUEL
Nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng tinatayang P49.807 bilyon para pondohan ang social pension ng nasa mahigit apat na milyong indigent senior citizens sa buong bansa.
Sa inilabas na kalatas ng DBM, ang nasabing pondo ay ibinigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong nakalipas na Enero ng kasalukuyang taon, na kasama sa 2024 General Appropriations Act.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang inilabas na pondo ay para sa buwanang tulong sa mga senior citizens bilang bahagi ng pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na aalagaan ang mga nakatatanda.
“We recognize the challenges faced by the elderly and understand the importance of providing timely assistance to alleviate their hardships. The prompt release of this budget allows us to make a tangible difference in their lives,” ayon pa kay Pangandaman.
Nabatid na ang DSWD Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) Program ay naglalayong mapahusay ang pamumuhay ng mga indigent senior citizens sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa pangangailangan at medical requirements.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 11916, ang benepisyaryo ng SPISC Program ay makakatanggap na ng buwanang P1,000 ngayong taon mula sa dating P500.
Ang makakatanggap nito ay ang mga 60-anyos pataas ang edad, may nararanasang karamdaman, at walang tinatanggap na anumang benepisyo sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Social Security System (SSS), at private insurance companies.
Gayundin, kailangan na walang natatanggap na tulong ang senior citizen mula sa pamilya o kamag-anak para sa pangangailangan ng mga ito.
