Tulong ni PBBM sa magsasaka at mangingisda, pinuri ng senador

Senador Lito Lapid

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Lito Lapid ang mabilis na tugon ng administrasyong Marcos sa epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Ito’y sa gitna ng ulat ng Philippine Atmosphere, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) na posibleng umabot pa ang epekto ng El Niño hanggang sa Agosto ng taong kasalukuyan, base sa pagtaya ng Department of Science and Technology (DOST).

Giit ni Lapid, agad natugunan ng gobyerno ang patuloy na epekto ng matinding tag-init dahil nasiguro ang sapat na suplay ng pagkain at naibsan ang pinsala sa lokal na ekonomiya.

Tinukoy ni Lapid ang naibigay na tulong pangkabuhayan ng pamahalaang Marcos sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Kasama rito ang halagang P1.4 bilyon na inilaan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Local Adaptation to Water Access (Project Lawa) at Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished (Project BINHI).

Nakapaloob sa dalawang programa ang pagbibigay ng Learning and Development Sessions (LDS) on Climate Change Adaptation and Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR), cash-for-work (CFW) at cash-for-training (CFT) sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng tagtuyot.

“Ang nasabing mga programa ng Pangulong BBM ay malaking tulong para sa mga komunidad na apektado ng El Niño para maibsan ang epekto sa kanilang kabuhayan at matiyak na hindi magugutom ang mga ito,” diin ni Lapid.

Suportado rin ni Lapid ang pagtugon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. kontra sa epekto ng El Niño.

Kabilang na rito ang cloud-seeding, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng irrigation canals, pamamahagi ng mga alagang hayop, paggamit ng low-water use technology at iba pang tulong pangkabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang Abril 3, 2024, pumalo na sa mahigit P1.2-B ang halaga ng pinsalang dulot ng El Niño sa agrikultura.

Sa nasabing datos, higit sa 30,000 magsasaka at mangingisda ang apektado at nasa higit 26-libong hektarya ng mga pananim ang napinsala ng tagtuyot sa limang rehiyon.

Pinakamataas na nasira ang agrikultura sa Western Visayas region, sumunod ang Luzon Island at Zamboanga Peninsula.

Sa Negros Occidental, naitala sa P97,788,037 ang pinsala ng tagtuyot sa 135 barangay at nasa 2,585 magsasaka ang apektado ng El Niño.

Habang nasa 17 lugar na ang nagdeklara ng state of calamity na apektado ang may 84,731 pamilya o 416,820 katao.

Leave a comment