
Ni NERIO AGUAS
Nakabalik na sa bansa ang anim na Pinoy na biktima ng human trafficking sa bansang Myanmar.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang pinakahuling batch ng mga na-repatiated ay kinabibilangan ng 4 na lalaki at 2 babae na pawang umalis bilang mga turista noong 2023.
Ikinalungkot ni Tansingco na sa kabila ng maraming babala tungkol sa paglaganap ng nasabing scam, marami pa ring Pilipino ang nagtangkang makipagsapalaran na magtrabaho ng ilegal sa nasabing rehiyon.
Matatandaang unang naalarma ang BI sa nasabing modus noong 2022.
Nagbabala rin kamakailan ang Interpol laban sa mga gang at scammers sa Southeast Asia na sangkot sa online romance scam centers kung saan marami sa mga manggagawa nito ay biktima ng trafficking mula sa Pilipinas.
“Many countries have already agreed that this is a growing crisis. Yet some Filipinos insist on departing as tourist to try out work offers they receive online, only to be duped into working in these scam hubs,” sabi ni Tansingco.
Ang 6 na biktima ay iniulat na nakatanggap ng maliit o walang suweldo, at sumailalim sa pisikal at sikolohikal na pang-aabuso.
“Stop risking your life for these too good to be true job offers. Many have already suffered, do not let yourself be the next victim,” babala pa ng BI chief.
